1 Ipinatawag ni Haring Solomon sa Jerusalem ang mga tagapamahala ng Israel at ang lahat ng pinuno ng mga lahi at mga pamilya sa Israel para kunin ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon mula sa Zion, ang Lungsod ni David.
2 Pumunta silang lahat kay Haring Solomon noong panahon ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, noong buwan ng Etanim, na siyang ikapitong buwan.
3-4 Nang magkatipon na ang lahat ng tagapamahala ng Israel, kinuha ng mga pari at ng mga Levita ang Kahon ng Panginoon, pati ang Toldang Tipanan at ang mga banal na gamit nito at dinala nila ang lahat ng ito sa templo.
5 Naghandog si Haring Solomon at ang buong mamamayan ng Israel sa harapan ng Kahon ng Kasunduan. Napakaraming tupa at baka ang kanilang inihandog, hindi ito mabilang dahil sa dami.
6 Pagkatapos, dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa lugar nito roon sa pinakaloob ng templo, sa Pinakabanal na Lugar, sa ilalim ng pakpak ng mga kerubin.
7 Nakalukob ang pakpak ng mga kerubin, kaya natatakpan nito ang Kahon at ang mga hawakang pasanan nito.
8 Itong mga hawakang pasanan ay mahaba, ang dulo nito ay kita sa Banal na Lugar, sa harapan ng pinakaloob ng templo, pero hindi ito makita sa labas ng Banal na Lugar. At naroon pa ito hanggang ngayon.
9 Walang ibang laman ang Kahon maliban sa dalawang malalapad na bato na inilagay ni Moises noong nandoon siya sa Horeb, kung saan gumawa ng kasunduan ang Panginoon sa mga Israelita pagkatapos nilang lumabas sa Egipto.
10 Nang lumabas ang mga pari sa Banal na Lugar, may ulap na bumalot sa templo ng Panginoon.
11 Hindi na makagawa ang mga pari sa kanilang gawain sa templo dahil sa ulap, dahil ang kapangyarihan ng Panginoon ay bumalot sa kanyang templo.
12 At nanalangin si Solomon, “Sinabi nʼyo po Panginoon na maninirahan kayo sa makapal na ulap.
13 Ngayon, nagpatayo po ako ng kahanga-hangang na templo para sa inyo, na matatahanan nʼyo magpakailanman.”
14 Pagkatapos, humarap si Haring Solomon sa buong mamamayan ng Israel na nakatayo roon at binasbasan niya sila.
15 Sinabi niya, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako sa aking ama na si David. Sinabi niya noon,
16 ‘Mula nang panahon na inilabas ko ang mga mamamayan kong Israelita sa Egipto, hindi ako pumili ng lungsod sa kahit anong lahi ng Israel para pagtayuan ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. Ngunit pinili ko si David upang mamahala sa mga mamamayan kong Israelita.’
17 “Nasa puso ng aking amang si David na magtayo ng templo sa pagpaparangal sa Panginoon, ang Dios ng Israel.
18 Pero sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Mabuti na naghahangad kang magpatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.
19 Ngunit hindi ikaw ang magtatayo nito kundi ang sarili mong anak. Siya ang magtatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.’
20 “Tinupad ng Panginoon ang kanyang ipinangako. Ako ang pumalit sa aking amang si David bilang hari ng Israel, ayon sa ipinangako ng Panginoon. At ipinatayo ko ang templo para parangalan ang Panginoon, ang Dios ng Israel.
21 Nagpagawa ako ng lugar doon sa templo para sa Kahon, kung saan nakalagay ang Kasunduan ng Panginoon, na kanyang ginawa sa ating mga ninuno nang inilabas niya sila sa Egipto.”
22 Sa harap ng buong kapulungan ng Israel, lumapit si Solomon sa altar ng Panginoon at itinaas niya ang kanyang mga kamay,
23 at nanalangin, “Panginoon, Dios ng Israel, wala pong Dios na katulad ninyo sa langit o sa lupa. Tinutupad nʼyo ang inyong kasunduan at ipinapakita ninyo ang inyong pag-ibig sa mga lingkod ninyong buong pusong sumusunod sa inyo.
24 Tinupad nʼyo ang inyong ipinangako sa aking amang si David na inyong lingkod. Kayo po ang nangako, at kayo rin ang tumupad sa araw na ito.
25 At ngayon, Panginoon, Dios ng Israel, tuparin nʼyo rin po ang ipinangako ninyo sa lingkod ninyong si David na aking ama nang sinabi nʼyo sa kanya, ‘Laging sa angkan mo magmumula ang maghahari sa Israel kung matapat na susunod sa akin ang mga angkan mo, tulad ng iyong ginawa.’
26 Kaya ngayon, O Dios ng Israel, tuparin nʼyo ang ipinangako ninyo sa lingkod ninyong si David na aking ama.
27 “Pero makakapanahan po ba talaga kayo, O Dios, dito sa mundo? Ni hindi nga po kayo magkasya kahit sa pinakamataas na langit, dito pa kaya sa templo na ipinatayo ko?
28 Ngunit pakinggan ninyo ako na inyong lingkod sa aking pananalangin at pagsusumamo, O Panginoon na aking Dios. Pakinggan nʼyo ang panawagan at pananalangin ko sa inyong presensya ngayon.
29 Ingatan nʼyo po sana ang templong ito araw at gabi, ang lugar na sinabi nʼyong dito pararangalan ang pangalan nʼyo. Pakinggan nʼyo po sana ako na inyong lingkod sa aking pananalangin na nakaharap sa lugar na ito.
30 Pakinggan nʼyo po ang kahilingan ko at ng mga mamamayan nʼyo kapag silaʼy nanalangin na nakaharap sa lugar na ito. Pakinggan nʼyo kami riyan sa inyong luklukan sa langit. At kung marinig nʼyo kami, patawarin nʼyo po kami.
31 “Kung ang isang tao ay pinagbintangang nagkasala sa kanyang kapwa, at pinapunta siya sa inyong altar sa templo na ito para sumumpa na inosente siya,
32 dinggin nʼyo po ito riyan sa langit at hatulan ang inyong mga lingkod – ang nagbintang at ang pinagbintangan. Parusahan nʼyo po ang nagkasala ayon sa kanyang ginawa at palayain ang walang sala para mahayag na inosente siya.
33 “Kung ang mga mamamayan nʼyong Israelita ay matalo ng mga kalaban nila dahil nagkasala sila sa inyo at kung manumbalik sila at magpuri at manalangin sa templong ito,
34 dinggin nʼyo po sila riyan sa langit. Patawarin nʼyo sila sa kanilang kasalanan at dalhin ninyo sila pabalik sa lupaing ibinigay ninyo sa kanilang mga ninuno.
35 “Kung hindi nʼyo pauulanin, dahil nagkasala ang inyong mga mamamayan sa inyo, at kung manalangin po silang nakaharap sa templong ito at magpuri sa inyo, at magsisi sa kanilang mga kasalanan dahil pinarusahan nʼyo sila,
36 dinggin nʼyo po sila riyan sa langit. Patawarin nʼyo po sila na inyong mga lingkod, ang inyong mga mamamayang Israelita. Turuan nʼyo po sila ng matuwid na pamumuhay, at padalhan ng ulan ang lupain na inyong ibinigay sa kanila bilang pag-aari.
37 “Kung may dumating pong taggutom sa lupain ng inyong mga mamamayan, o salot, o malanta ang mga tanim, o peste sa mga tanim gaya ng mga balang at mga uod, o palibutan ng mga kalaban ang alinman sa kanilang mga lungsod, o sumapit man sa kanila ang kahit anong karamdaman,
38 at kung mayroon po sa kanila na mananalangin o hihiling sa inyo dinggin nʼyo po sila, at kung kinikilala po nilang dahil sa kanilang mga kasalanan dumating ang mga pagtitiis at sakuna sa kanila, at manalangin po sila ng nakataas ang kanilang mga kamay, na nakaharap sa templong ito,
39 dinggin nʼyo po sila riyan sa inyong luklukan sa langit. Kumilos po kayo at patawarin sila, at gawin sa bawat isa ang nararapat sa kanilang mga ginawa, dahil alam nʼyo po ang bawat puso nila. Tunay na tanging kayo lamang po ang nakakaalam ng puso ng lahat ng tao.
40 Gawin nʼyo po ito para gumalang sila sainyo habang nabubuhay sila sa lupaing ibinigay nʼyo sa aming mga ninuno.
41-42 “Kung ang mga dayuhan na nakatira sa malayong lugar ay makarinig ng inyong kadakilaan at kapangyarihan, at pumunta sila rito para sumamba sa inyo at manalangin na nakaharap sa templong ito,
43 dinggin nʼyo po sila riyan sa inyong luklukan sa langit. At gawin ang kahit anong hinihiling nila, para ang lahat po ng tao sa mundo ay makakilala sa inyo at gumalang po sa inyo gaya ng inyong mga mamamayang Israelita. At para malaman po nilang pinaparangalan kayo sa templo na aking ipinatayo.
44 “Kung ang inyo pong mga mamamayan ay makikipaglaban ayon sa inyong utos, at kung mananalangin po sila sa inyo, Panginoon, na nakaharap sa lungsod na ito na pinili nʼyo at sa templo na aking ipinatayo para sa karangalan ng inyong pangalan,
45 dinggin nʼyo po ang kanilang mga dalangin at mga kahilingan diyan sa langit, at bigyan sila ng tagumpay.
46 Kung magkasala sila sa inyo – dahil wala kahit isa man na hindi nagkakasala – at sa inyong galit ay ipinatalo nʼyo sila sa kanilang mga kalaban at binihag sa sariling lupain at dinala sila sa malayo o sa malapit na lugar,
47 at kung sa huliʼy magbago ang kanilang mga puso roon sa lugar ng kanilang mananakop, at magsisi at magmakaawa po sa inyo na nagsasabi, ‘Nagkasala kami, at napakasama ng aming mga ginawa,’
48 pakinggan nʼyo po ang kanilang dalangin. Kung babalik po sila sa inyo nang buong pusoʼt isipan, doon sa lugar ng mga kaaway na bumihag sa kanila, at manalangin sila sa inyo na nakaharap sa lupaing ito na ibinigay nʼyo sa kanilang mga ninuno, sa lungsod na ito na inyong hinirang at sa templo na aking ipinatayo para sa karangalan ng inyong pangalan,
49 dinggin nʼyo po ang kanilang dalangin at mga kahilingan diyan sa inyong luklukan sa langit, at bigyan sila ng tagumpay.
50 Patawarin nʼyo po sila sa kanilang mga kasalanan at mga paglabag sa inyo, at loobin nʼyong kahabagan sila ng mga bumihag sa kanila.
51 Dahil silaʼy mga taong inyong pagmamay-ari. Inilabas ninyo sila sa Egipto, ang lugar na tulad ng naglalagablab na hurno.
52 “Pansinin sana ninyo ang mga kahilingan ko at ang mga kahilingan ng inyong mga mamamayang Israelita, at pakinggan ninyo sana sila kapag nanalangin sila sa inyo.
53 Dahil hinirang ninyo sila, Panginoong Dios, sa lahat ng bansa sa mundo bilang bayan na inyong pagmamay-ari, ayon sa sinabi ninyo kay Moises na inyong lingkod, nang inilabas ninyo ang aming mga ninuno sa Egipto.”
54 Nang matapos ni Solomon ang kanyang panalangin at kahilingan sa Panginoon, tumayo siya sa harapan ng altar ng Panginoon, kung saan siya nakaluhod at nakataas ang mga kamay sa langit.
55 Binasbasan niya ang buong sambayanan ng Israel at sinabi nang may malakas na tinig,
56 “Purihin ang Panginoon na nagbigay ng kapahingahan sa mga mamamayan niyang Israelita ayon sa kanyang ipinangako. Tinupad niya ang lahat ng ipinangako niya kay Moises na kanyang lingkod.
57 Samahan sana tayo ng Panginoon na ating Dios tulad ng pagsama niya sa ating mga ninuno. Huwag sana niya tayong itaboy o pabayaan.
58 Gawin sana niya tayong masunurin sa kanya para makapamuhay tayo ayon sa kanyang mga utos at mga tuntunin na ibinigay niya sa ating mga ninuno.
59 Palagi sanang maalala ng Panginoon na ating Dios, araw at gabi, ang mga panalangin kong ito. Nawaʼy tulungan niya ako at ang mga mamamayan niyang Israelita, ayon sa kanilang pangangailangan bawat araw,
60 para malaman ng lahat ng bayan sa buong mundo na ang Panginoon ay siyang Dios at wala nang iba pa.
61 At sana, kayong mga Israelita ay maging tapat sa Panginoon na ating Dios. Tuparin ninyo ang kanyang mga tuntunin at mga utos katulad ng ginagawa ninyo ngayon.”
62 Pagkatapos, naghandog sa Panginoon si Haring Solomon at ang lahat ng Israelita na kasama niya.
63 Nag-alay sila ng mga handog para sa mabuting relasyon: 22,000 baka at 120,000 tupa at kambing. Sa ganitong paraan, itinalaga ng hari at ng lahat ng mga Israelita ang templo ng Panginoon.
64 Sa araw ding iyon, itinalaga ng hari ang bakuran na nasa harap ng templo ng Panginoon para roon mag-alay ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, at mga taba bilang handog para sa mabuting relasyon. Dahil ang tansong altar na nasa harapan ng templo ay napakaliit para sa mga handog na ito.
65 Ipinagdiwang ni Solomon at ng buong Israel ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. Napakaraming pumunta mula sa Lebo Hamat sa bandang hilaga hanggang sa lambak ng Egipto sa bandang timog. Nagdiwang sila sa presensya ng Panginoon na kanilang Dios sa loob ng 14 na araw – pitong araw para sa pagtatalaga ng templo at pitong araw para sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol.
66 Pagkatapos ng Pista, pinauwi ni Solomon ang mga tao. Binasbasan ng mga tao si Haring Solomon, at umuwi sila na may galak dahil sa lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon sa kanyang lingkod na si David at sa mga mamamayan niyang Israelita.