1 Tatlong taon nang walang ulan. Isang araw, sinabi ng Panginoon kay Elias, “Humayo ka at makipagkita kay Ahab, dahil pauulanin ko na.”
2 Kaya pumunta si Elias kay Ahab.Malubha ang taggutom sa Samaria.
3 Kaya ipinatawag ni Ahab si Obadias na siyang namamahala sa palasyo niya. (Si Obadias ay lubos na gumagalang sa Panginoon.
4 Nang pinapatay ni Jezebel ang mga propeta ng Panginoon, itinago ni Obadias ang 100 propeta sa dalawang kweba, 50 bawat kweba, at binigyan niya sila ng pagkain at tubig doon.)
5 Sinabi ni Ahab kay Obadias, “Puntahan natin ang lahat ng bukal at lambak sa ating bansa, baka sakaling makakita tayo ng mga damo para sa ating mga kabayo at mga mola, para hindi na natin sila kailangang katayin.”
6 Kaya naghati sila ng lugar kung saan sila pupunta. Agad silang pumunta sa kani-kanilang direksyon.
7 Habang naglalakad si Obadias, nakasalubong niya si Elias. Nakilala niya si Elias, kaya yumukod siya bilang paggalang, at sinabi, “Kayo po ba iyan, Ginoong Elias?”
8 Sumagot si Elias, “Oo. Ngayon, humayo ka at sabihin mo sa iyong amo na si Ahab na nandito ako.”
9 Pero sinabi ni Obadias, “Huwag po ninyong ilagay sa panganib ang buhay ko kay Ahab, dahil wala naman akong nagawang kasalanan sa inyo.
10 Nagsasabi po ako ng totoo sa presensya ng buhay na Panginoon na inyong Dios, na walang bansa o kaharian na hindi padadalhan ng aking amo ng tao para hanapin kayo. Kapag sinasabi ng mga pinuno ng mga bansa at mga kaharian na wala kayo sa lugar nila, pinasusumpa pa sila ni Ahab na hindi talaga nila kayo nakita.
11 At ngayon, inuutusan nʼyo po ako na pumunta sa aking amo at sabihin sa kanya na nandito kayo?
12 Paano kung sa sandaling pag-alis ko ay dalhin kayo ng Espiritu ng Panginoon sa lugar na hindi ko alam? Kapag dumating si Ahab dito na wala kayo, papatayin niya ako. Pero, Ginoong Elias, mula pa sa pagkabata ko ay naglilingkod na ako sa Panginoon.
13 Hindi nʼyo ba nabalitaan ang ginawa ko noong pinapatay ni Jezebel ang mga propeta ng Panginoon? Itinago ko ang 100 propeta ng Panginoon sa dalawang kweba, 50 sa bawat kweba, at binibigyan ko sila ng pagkain at tubig doon.
14 At ngayon inuutusan ninyo akong pumunta sa aking amo at sabihin sa kanya na nandito kayo? Papatayin po niya ako!”
15 Sinabi ni Elias, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoong Makapangyarihan, na aking pinaglilingkuran, na makikipagkita ako kay Ahab sa araw na ito.”
16 Kaya pumunta si Obadias kay Ahab at sinabi sa kanya na naroon si Elias, at lumakad si Ahab para makipagkita kay Elias.
17 Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi niya, “Ikaw ba talaga iyan, ang nanggugulo sa Israel?”
18 Sumagot si Elias, “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi ikaw at ang pamilya ng iyong ama. Dahil itinakwil ninyo ang mga utos ng Panginoon at sinamba ninyo ang mga dios-diosang si Baal.
19 Ngayon, tipunin mo ang lahat ng mamamayan ng Israel para samahan nila ako sa Bundok ng Carmel. At papuntahin mo rin ang 450 propeta ni Baal at ang 400 propeta ni Ashera, na pinapakain ni Jezebel.”
20 Kaya tinipon ni Ahab ang lahat ng mamamayang Israelita at ang mga propeta sa Bundok ng Carmel.
21 Lumapit si Elias sa mga tao at sinabi, “Hanggang kailan pa ba kayo mag-aalinlangan? Kung ang Panginoon ang totoong Dios, sundin ninyo siya, pero kung si Baal ang totoong Dios, sundin ninyo ito.” Pero hindi sumagot ang mga tao.
22 Sinabing muli ni Elias sa kanila, “Ako na lang ang natitira sa mga propeta ng Panginoon, pero si Baal ay may 450 propeta.
23 Ngayon, dalhan ninyo kami ng dalawang toro. Pagkatapos, pumili ang mga propeta ni Baal ng kanilang kakatayin at ilagay ito sa ibabaw ng gatong, pero hindi ito sisindihan. Ganoon din ang gagawin ko sa isang toro; ilalagay ko rin ito sa ibabaw ng gatong at hindi ko rin ito sisindihan.
24 Pagkatapos, manalangin kayo sa inyong dios, at mananalangin din ako sa Panginoon. Ang sasagot sa pamamagitan ng apoy ang siyang totoong Dios.” At sumang-ayon ang mga tao.
25 Sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Kayo ang mauna dahil marami kayo. Mamili kayo ng isang toro at ihanda ninyo. Manalangin na kayo sa inyong dios, pero huwag ninyong sisindihan ang gatong.”
26 Kaya kinuha ng mga propeta ni Baal ang toro na dinala sa kanila, at inihanda ito. Pagkatapos, nanalangin sila kay Baal mula umaga hanggang tanghali. Sumigaw sila, “O Baal, sagutin mo kami!” Sumayaw-sayaw pa sila sa paligid ng altar na ginawa nila. Pero walang sumagot.
27 Nang tanghaling-tapat na, ininsulto na sila ni Elias. Sabi niya, “Sige lakasan nʼyo pa ang pagsigaw, dios naman siya! Baka nagbubulay-bulay lang siya, o nagpapahinga, o may pinuntahan, o nakatulog at kailangang gisingin.”
28 Kaya sumigaw pa sila nang malakas at sinugatan ang mga katawan nila ng sibat at espada ayon sa kinaugalian nila, hanggang sa dumanak ang dugo.
29 Lumipas ang tanghali, tuloy-tuloy pa rin ang pagsigaw nila hanggang lumampas na ang takdang oras ng paghahandog, pero wala pa ring sumagot sa kanila.
30 Nagsalita si Elias sa lahat ng tao, “Lumapit kayo sa akin.” At nagsilapit ang mga tao sa kanya. Inayos niya ang altar ng Panginoon na nagiba.
31 Kumuha siya ng 12 bato na sumisimbolo ng 12 lahi ng mga anak ni Jacob, ang tao na pinangalanan ng Panginoon na Israel.
32 Ginawa niyang altar ang mga bato para sa Panginoon at ginawan ng kanal ang paligid ng altar. Ang kanal ay kayang malagyan ng tatlong galong butil.
33 Iniayos niya nang mabuti ang panggatong sa altar, kinatay ang toro at inilapag ito sa ibabaw ng gatong. Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, “Buhusan ninyo ng apat na tapayang tubig ang handog at panggatong.” Matapos nilang gawin ito,
34 sinabi ni Elias, “Buhusan ninyo ulit.” Pagkatapos nilang buhusan, sinabi ulit ni Elias, “Buhusan pa ninyo sa ikatlong pagkakataon.” Sinunod nila ang sinabi ni Elias,
35 at umagos ang tubig sa paligid ng altar, at napuno ang kanal.
36 Nang oras na ng paghahandog, lumapit si Propeta Elias sa altar at nanalangin. Sinabi niya, “Panginoon, Dios ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob, patunayan ninyo sa araw na ito, na kayo ang Dios ng Israel at ako ang inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito ayon sa utos ninyo.
37 Panginoon, dinggin nʼyo po ako, para malaman ng mga tao na kayo ang Panginoon, ang Dios, at nais nʼyo silang magbalik-loob sa inyo.”
38 Dumating agad ang apoy na galing sa Panginoon, at sinunog nito ang handog, ang gatong, ang mga bato at ang lupa, at natuyo ang kanal.
39 Nang makita ito ng lahat ng tao, nagpatirapa sila at sinabi, “Ang Panginoon ang siyang Dios! Ang Panginoon ang siyang Dios!”
40 Iniutos agad ni Elias sa mga tao, “Dakpin ninyo ang mga propeta ni Baal. Dapat walang makatakas sa kanila!” Dinakip ang lahat ng propeta ni Baal at dinala nila Elias sa Lambak ng Kishon at pinagpapatay.
41 Sinabi ni Elias kay Ahab, “Humayo ka, kumain at uminom, dahil paparating na ang malakas na ulan.”
42 Kaya humayo si Ahab para kumain at uminom, pero si Elias ay umakyat sa bundok ng Carmel at nanalangin, na nakaluhod at nakayuko sa lupa.
43 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang utusan, “Umakyat ka at tumingin sa dagat.” At sinunod ito ng utusan. Pagbalik niya kay Elias, sinabi niya, “Wala po akong nakikita.” Pitong beses na sinabi ni Elias na bumalik siya at tumingin.
44 Nang ikapitong pagbalik niya, sinabi niya kay Elias, “May nakita po akong ulap na maitim na kasinlaki ng palad ng tao, na pumapaibabaw mula sa laot.” Kaya sinabi ni Elias, “Humayo ka at sabihin kay Ahab na sumakay siya sa kanyang karwahe at umuwi bago pa siya maabutan ng ulan.”
45 Di nagtagal, dumilim ang langit dahil sa makapal na ulap. Humangin at umulan nang malakas, at sumakay si Ahab sa karwahe at pumunta sa Jezreel.
46 Pinalakas ng Panginoon si Elias. Ibinigkis niya sa baywang ang balabal niya at tumakbo, at nauna pa kay Ahab papunta sa Jezreel.