1 Sa loob ng tatlong taon, walang nangyaring labanan sa pagitan ng Aram at ng Israel.
2 At nang ikatlong taon, nakipagkita si Haring Jehoshafat ng Juda kay Ahab na hari ng Israel.
3 Sinabi ni Ahab sa kanyang mga opisyal, “Alam ninyo na atin ang Ramot Gilead. Pero bakit hindi tayo gumagawa ng paraan para mabawi natin ito sa hari ng Aram?”
4 Kaya tinanong ni Ahab si Jehoshafat, “Sasama ka ba sa amin sa pakikipaglaban sa Ramot Gilead?” Sumagot si Jehoshafat kay Ahab, “Handa akong sumama sa iyo at handa akong ipagamit sa iyo ang mga sundaloʼt mga kabayo ko.
5 Pero tanungin muna natin ang Panginoon kung ano ang masasabi niya.”
6 Kaya ipinatawag ni Ahab ang mga propeta – 400 silang lahat, at tinanong, “Pupunta ba kami sa Ramot Gilead o hindi?” Sumagot sila, “Sige, lumakad kayo, dahil pagtatagumpayin kayo ng Panginoon!”
7 Pero nagtanong si Jehoshafat, “Wala na bang iba pang propeta ng Panginoon dito na mapagtatanungan natin?”
8 Sumagot si Ahab kay Jehoshafat, “May isa pang maaari nating mapagtanungan – si Micaya na anak ni Imla. Pero napopoot ako sa kanya dahil wala siyang magandang propesiya tungkol sa akin kundi puro kasamaan.” Sumagot si Jehoshafat, “Hindi ka dapat magsalita ng ganyan.”
9 Kaya ipinatawag ni Ahab ang isa sa kanyang mga opisyal at sinabi, “Dalhin nʼyo agad dito si Micaya na anak ni Imla.”
10 Ngayon, sina Haring Ahab ngIsrael at Haring Jehoshafat ng Juda, na nakasuot ng kanilang damit panghari, ay nakaupo sa kanilang trono sa harapan ng giikan na nasa bandang pintuan ng bayan ng Samaria. At nakikinig sila sa sinasabi ng mga propeta.
11 Si Zedekia na isa sa mga propeta na anak ni Kenaana ay gumawa ng mga sungay na bakal. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon kay Haring Ahab: ‘Sa pamamagitan ng mga sungay na ito, lilipulin mo, Haring Ahab, ang mga Arameo hanggang sa maubos sila.’ ”
12 Ganito rin ang sinabi ng lahat ng propeta. Sinabi nila, “Haring Ahab, lusubin nʼyo ang Ramot Gilead, at magtatagumpay kayo, dahil ibibigay ito sa inyo ng Panginoon.”
13 Samantala, ang mga inutusan sa pagkuha kay Micaya ay nagsabi sa kanya, “Ang lahat ng propeta ay pare-parehong nagsasabing magtatagumpay ang hari, kaya ganoon din ang sabihin mo.”
14 Pero sinabi ni Micaya, “Nanunumpa ako sa buhay na Panginoon, na sasabihin ko lang ang ipinapasabi niya sa akin.”
15 Pagdating ni Micaya kay Haring Ahab, nagtanong ang hari sa kanya, “Micaya, lulusubin ba namin ang Ramot Gilead o hindi?” Sumagot si Micaya, “Lusubin ninyo at magtatagumpay kayo, dahil ipapatalo ito ng Panginoon sa inyo.”
16 Pero sinabi ng hari kay Micaya, “Ilang beses ba kitang panunumpain na sabihin mo sa akin ang totoo sa pangalan ng Panginoon?”
17 Kaya sinabi ni Micaya, “Nakita ko sa pangitain na nakakalat ang mga Israelita sa mga kabundukan gaya ng mga tupa na walang nagbabantay, at nagsabi ang Panginoon, ‘Ang mga taong itoʼy wala nang pinuno. Matiwasay nʼyo silang pauwiin.’ ”
18 Sinabi ni Haring Ahab kay Jehoshafat, “Hindi ba sinabihan na kitang wala siyang magandang propesiya tungkol sa akin kundi puro kasamaan lang?”
19 Sinabi pa ni Micaya, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon! Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, at may mga makalangit na nilalang na nakatayo sa kanyang kaliwa at kanan.
20 At sinabi ng Panginoon, ‘Sino ang hihikayat kay Ahab para lusubin ang Ramot Gilead upang mamatay siya roon?’ Iba-iba ang sagot ng mga makalangit na nilalang.
21 At may espiritu na lumapit sa Panginoon at nagsabi, ‘Ako ang hihikayat sa kanya.’
22 Nagtanong ang Panginoon, ‘Sa papaanong paraan?’ Sumagot siya, ‘Pupunta ako at pagsasalitain ko ng kasinungalingan ang mga propeta ni Ahab.’ Sinabi ng Panginoon, ‘Lumakad ka at gawin mo ito. Magtatagumpay ka sa paghihikayat sa kanya.’ ”
23 At sinabi ni Micaya, “At ngayon pinadalhan ng Panginoon ang iyong mga propeta ng espiritu na nagpasabi sa kanila ng kasinungalingan. Itinakda ng Panginoon na matalo ka.”
24 Lumapit si Zedekia kay Micaya at sinampal ito. Sinabi ni Zedekia, “Paano mong nasabi na ang Espiritu ng Panginoon ay umalis sa akin at nakipag-usap sa iyo?”
25 Sumagot si Micaya, “Malalaman nʼyo ito sa araw na matalo kayo sa labanan at magtago sa kaloob-loobang kwarto ng bahay.”
26 Nag-utos agad si Haring Ahab, “Dakpin nʼyo si Micaya at dalhin pabalik kay Ammon na pinuno ng lungsod at kay Joash na aking anak.
27 At sabihin nʼyo sa kanila na nag-utos ako na ikulong ang taong ito. Tinapay at tubig lang ang ibigay sa kanya hanggang sa makabalik akong ligtas mula sa labanan.”
28 Sinabi ni Micaya, “Kung makakabalik kayo nang ligtas, ang ibig sabihin hindi nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ko.” At sinabi ni Micaya sa lahat ng tao roon, “Tandaan nʼyo ang sinabi ko!”
29 Kaya lumusob sa Ramot Gilead si Ahab na hari ng Israel at si Haring Jehoshafat ng Juda.
30 Sinabi ni Ahab kay Jehoshafat, “Sa panahon ng labanan, hindi ako magpapakilala na ako ang hari, pero ikaw magsuot ka ng iyong damit panghari.” Kaya nagkunwari ang hari ng Israel, at nakipaglaban sila.
31 Samantala, nag-utos ang hari ng Aram sa 32 kumander ng kanyang mga mangangarwahe, “Huwag ninyong lusubin ang kahit sino, kundi ang hari lang ng Israel.”
32 Pagkakita ng mga kumander ng mga mangangarwahe kay Jehoshafat, inisip nila na siya ang hari ng Israel, kaya nilusob nila ito. Pero nang sumigaw si Jehoshafat,
33 nalaman ng mga kumander ng mga mangangarwahe na hindi pala siya ang hari ng Israel kaya huminto sila sa paghabol sa kanya.
34 Pero habang pinapana ng isang sundalong Arameo ang mga sundalo ng Israel, natamaan niya ang hari ng Israel sa pagitan ng kanyang panangga sa dibdib. Sinabi ni Haring Ahab sa nagdadala ng kanyang karwahe, “Ilayo mo ako sa labanan! Dahil nasugatan ako.”
35 Matindi ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ng Israel ay nakasandal na lang sa kanyang karwahe na nakaharap sa mga Arameo. Dumaloy ang dugo niya sa karwahe, at namatay siya kinahapunan.
36 Nang papalubog na ang araw, may sumigaw sa mga sundalo ng Israel, “Ang bawat isa ay magsiuwi na sa kani-kanilang lugar!”
37 Nang mamatay ang hari ng Israel, dinala ang kanyang bangkay sa Samaria, at doon inilibing.
38 Hinugasan nila ang karwahe sa paliguan sa Samaria, kung saan naliligo ang mga babaeng bayaran, at ang dugo niya ay dinilaan ng mga aso. Nangyari ito ayon sa sinabi ng Panginoon.
39 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Ahab, at ang lahat ng ginawa niya, pati ang pagpapatayo niya ng magandang palasyo, at pagpapatibay ng mga lungsod ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
40 Nang mamatay si Ahab, ang anak niyang si Ahazia ang pumalit sa kanya bilang hari.
41 Naging hari ng Juda si Jehoshafat na anak ni Asa noong ikaapat na taon ng paghahari ni Ahab sa Israel.
42 Si Jehoshafat ay 35 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng 25 taon. Ang ina niya ay si Azuba na anak ni Silhi.
43 Sinunod niya ang pamumuhay ng ama niyang si Asa. Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Pero hindi niya winasak ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya ang mga tao ay patuloy na nag-aalay at nagsusunog ng mga insenso roon.
44 May magandang relasyon din si Jehoshafat sa hari ng Israel.
45 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoshafat, at ang mga pagtatagumpay sa labanan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
46 Pinalayas niya ang mga lalaking nagbebenta ng aliw sa mga sambahan sa matataas na lugar, na hindi umalis noong panahon ng ama niyang si Asa.
47 Nang panahong iyon ay walang hari sa Edom; pinamamahalaan lang ito ng isang pinuno na pinili ni Jehoshafat.
48 May ipinagawa si Jehoshafat na mga barko na pangkalakal na naglalayag sa Ofir para kumuha ng ginto. Pero hindi nakapaglayag ang mga ito dahil nasira pagdating sa Ezion Geber.
49 Nang panahong iyon, sinabi ni Ahazia na anak ni Ahab kay Jehoshafat, “Pasamahin mo ang aking mga tauhan sa iyong mga tauhan sa kanilang paglalayag.” Pero hindi pumayag si Jehoshafat.
50 Nang mamatay si Jehoshafat, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. Ang anak niyang si Jehoram ang pumalit sa kanya bilang hari.
51 Naging hari ng Israel si Ahazia na anak ni Ahab noong ika-17 taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda. Sa Samaria tumira si Ahazia, at naghari siya sa loob ng dalawang taon.
52 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, dahil sumunod siya sa kanyang amaʼt ina, at kay Jeroboam na anak ni Nebat, na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.
53 Sumamba siya at naglingkod kay Baal. Katulad ng ginawa ng kanyang ama, ginalit din niya ang Panginoon, ang Dios ng Israel.