2 Dumating siya sa Jerusalem na kasama ang marami niyang tauhan, at may dala siyang mga kamelyo na kargado ng mga regalo na mga pampalasa, napakaraming ginto at mamahaling mga bato. Nang makita niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng gusto niyang itanong.
3 Sinagot ni Solomon ang lahat ng tanong niya at walang anumang bagay ang hindi niya naipaliwanag sa kanya.
4 Nang mapatunayan ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon at nang makita niya ang ganda ng palasyo na ipinatayo nito,
5 hindi siya makapaniwala. Ganoon din nang makita niya ang pagkain sa mesa ng hari, ang pamamahala ng kanyang mga opisyal, ang paglilingkod ng mga utusan na may magagandang uniporme, ang mga tagasilbi ng kanyang inumin at ang mga handog na sinusunog na inialay nito sa templo ng Panginoon.
6 Sinabi niya sa hari, “Totoo nga ang nabalitaan ko sa aking bansa tungkol sa inyong mga gawa at karunungan.
7 Hindi ako naniwala hanggang sa pumunta ako rito at nakita ko mismo. Ang totoo, wala sa kalahati ng nabalitaan ko tungkol sa inyo ang nakita ko. Ang karunungan at kayamanan nʼyo ay higit pa kaysa sa narinig ko.
8 Napakapalad ng inyong mga tauhan! Napakapalad ng inyong mga opisyal na naglilingkod sa inyo dahil palagi nilang naririnig ang inyong karunungan.