29 Isang araw, habang palabas si Jeroboam sa Jerusalem, sinalubong siya ni propetang Ahia na taga-Shilo. Bago ang suot na balabal ni Ahia. Silang dalawa lang ang naroon sa kapatagan.
30 Hinubad ni Ahia ang balabal niya at pinunit ito sa 12 bahagi.
31 Pagkatapos, sinabi niya kay Jeroboam, “Kunin mo ang sampung piraso nito, dahil ganito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Kukunin ko ang kaharian ni Solomon at ibibigay sa iyo ang sampung lahi nito.
32 Ngunit alang-alang kay David na aking lingkod at sa lungsod ng Jerusalem na aking hinirang sa lahat ng lungsod ng Israel, ititira ko ang isang lahi kay Solomon.
33 Gagawin ko ito dahil itinakwil niya ako at sinamba si Ashtoret, ang diyosa ng mga Sidoneo, si Kemosh, ang dios ng mga Moabita at si Molec, ang dios ng mga Ammonita. Hindi siya sumunod sa aking mga pamamaraan at hindi siya namuhay nang matuwid sa aking paningin. Hindi siya tumupad sa aking mga tuntunin at mga utos; hindi tulad ng ama niyang si David.
34 Pero hindi ko kukunin ang buong kaharian kay Solomon. Maghahari siya sa buong buhay niya dahil sa pinili kong lingkod na si David, na tumupad sa aking mga utos at mga tuntunin.
35 Kukunin ko ang kaharian sa kanyang anak na papalit sa kanya bilang hari, at ibibigay ko ang sampung lahi nito sa iyo.