21 Si Rehoboam na anak ni Solomon ang hari sa Juda, 41 taong gulang siya nang maging hari. Naghari siya sa loob ng 17 taon sa Jerusalem, ang lungsod na pinili ng Panginoon sa lahat ng lahi ng Israel, kung saan pararangalan siya. Ang ina ni Rehoboam ay si Naama na taga-Ammon.
22 Gumawa ng kasamaan ang mga mamamayan ng Juda sa paningin ng Panginoon, at mas matindi pa ang galit ng Panginoon sa kanila kaysa sa kanilang mga ninuno, dahil mas matindi ang mga kasalanan nila.
23 Gumawa rin sila ng mga sambahan sa matataas na lugar at mga alaalang bato. At nagpatayo sila ng mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera sa ibabaw ng bawat burol at sa lilim ng bawat malalagong punongkahoy.
24 Bukod pa rito, may mga lalaki at babaeng bayaran sa lugar na pinagsasambahan nila. Gumawa ang mga mamamayan ng Juda ng lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita.
25 Nang ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, nilusob ni Haring Shisak ng Egipto ang Jerusalem.
26 Kinuha niya ang mga kayamanan sa templo ng Panginoon at sa palasyo. Kinuha niya ang lahat, pati na rin ang lahat ng pananggalang na ginto na ipinagawa ni Solomon.
27 Kaya nagpagawa si Haring Rehoboam ng mga pananggalang na tanso na kapalit ng mga ito, at ipinamahala niya ito sa mga opisyal ng mga guwardya na nagbabantay sa pintuan ng palasyo.