24 Bukod pa rito, may mga lalaki at babaeng bayaran sa lugar na pinagsasambahan nila. Gumawa ang mga mamamayan ng Juda ng lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita.
25 Nang ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, nilusob ni Haring Shisak ng Egipto ang Jerusalem.
26 Kinuha niya ang mga kayamanan sa templo ng Panginoon at sa palasyo. Kinuha niya ang lahat, pati na rin ang lahat ng pananggalang na ginto na ipinagawa ni Solomon.
27 Kaya nagpagawa si Haring Rehoboam ng mga pananggalang na tanso na kapalit ng mga ito, at ipinamahala niya ito sa mga opisyal ng mga guwardya na nagbabantay sa pintuan ng palasyo.
28 At kapag pupunta ang hari sa templo ng Panginoon, sasama sa kanya ang mga tagapagbantay na dala ang mga pananggalang na ito, at pagkatapos, ibabalik din nila ito sa kanilang kwarto.
29 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Rehoboam, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari sa Juda.
30 Palaging naglalaban sila Rehoboam at Jeroboam.