8 Nang mamatay si Abijah, inilibing siya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Asa ang pumalit sa kanya bilang hari.
9 Naging hari ng Juda si Asa noong ika-20 taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel.
10 Sa Jerusalem tumira si Asa at naghari siya sa loob ng 41 taon. Ang lola niya ay si Maaca na apo ni Absalom.
11 Matuwid ang ginawa ni Asa sa paningin ng Panginoon, katulad ni David na kanyang ninuno.
12 Pinalayas niya sa Juda ang mga lalaki at babaeng nagbebenta ng aliw sa mga lugar na pinagsasambahan nila, at ipinatanggal ang lahat ng dios-diosang ipinagawa ng kanyang mga ninuno.
13 Pati ang lola niyang si Maaca ay inalis niya sa pagkareyna dahil nagpagawa ito ng kasuklam-suklam na posteng simbolo ng diyosang si Ashera. Ipinaputol ni Asa ang mga simbolong ito at ipinasunog sa Lambak ng Kidron.
14 Kahit hindi nawala ang mga sambahan sa matataas na lugar, nanatili pa rin siyang tapat sa Panginoon sa buong buhay niya.