1 Hari 20:33-39 ASND

33 Itinuring ng mga opisyal ang sagot ng hari na isang palatandaan na may pag-asa sila, kaya agad naman nilang sinabi na, “Opo, si Ben Hadad ay para na ninyong kapatid.” Sinabi ng hari, “Dalhin ninyo siya sa akin.”Pagdating ni Ben Hadad, pinasakay siya ni Ahab sa kanyang karwahe.

34 Sinabi ni Ben Hadad kay Ahab, “Isasauli ko sa iyo ang mga lungsod na inagaw ng aking ama sa iyong ama. At maaari kang magpatayo ng mga tindahan sa Damascus, katulad ng ginawa ng aking ama sa Samaria.” Tugon ni Ahab, “Sa alok mong ito, pakakawalan kita.” Kaya gumawa sila ng kasunduan, at pinaalis siya ni Ahab.

35 Samantala, may isang taong kabilang sa samahan ng mga propeta ang inutusan ng Panginoon para sabihin ito sa kasama niya, “Sige saktan mo ako.” Pero tumanggi ang kasama niya na saktan siya.

36 Kaya sinabi niya sa kanyang kasama, “Dahil hindi mo sinunod ang Panginoon, papatayin ka ng leon pag-alis mo rito.” Pag-alis nga ng kasama niya, nakita siya ng isang leon at pinatay.

37 May nakita namang isang tao ang propeta at sinabi niya, “Saktan mo ako.” Kaya sinaktan siya nito at nasugatan siya.

38 Pagkatapos, lumakad ang propeta at tumayo sa daan para hintayin na dumaan ang hari ng Israel. Nagbalat-kayo siya sa pamamagitan ng paglalagay ng piring sa mata para hindi makilala.

39 Pagdaan ng hari, sumigaw ang propeta sa kanya, “Mahal na hari, sumama po ako sa labanan, at doon ay may taong nagdala sa akin ng bihag at sinabi, ‘Bantayan mo ang taong ito. Kapag nakatakas siya, papatayin ka o pagbabayarin ng 35 kilong pilak.’