7 Ipinatawag ng hari ng Israel ang lahat ng tagapamahala ng Israel, at sinabi, “Naghahanap talaga ng paraan si Ben Hadad na wasakin tayo. Pumayag na nga ako nang hilingin niya ang aking mga asawa, mga anak, mga pilak at ginto.”
8 Sumagot ang mga tagapamahala at ang mga tao, “Huwag po kayong papayag sa mga hinihiling niya.”
9 Kaya sinabihan niya ang mga mensahero ni Ben Hadad, “Sabihin ninyo sa mahal na hari na ibibigay ko ang kanyang unang kahilingan, pero ang ikalawa ay hindi ko na maibibigay.” Nagsiuwi ang mga mensahero at sinabi kay Ben Hadad ang sagot ni Ahab.
10 Nagpadala muli si Ben Hadad ng mensahe kay Ahab, “Lubos sana akong parusahan ng mga dios, kung hindi ko mawasak nang lubos ang Samaria. Titiyakin kong kahit alikabok ay walang maiiwan na madadakot ang mga sundalo ko.”
11 Sumagot ang hari ng Israel, “Sabihan nʼyo siya na ang sundalong naghahanda pa lang sa pakikipaglaban ay hindi dapat magmayabang tulad ng sundalong tapos nang makipaglaban.”
12 Natanggap ni Ben Hadad ang sagot ni Ahab habang umiinom siya at ang mga kasama niyang hari roon sa kanilang mga tolda. Agad niyang inutusan ang mga tauhan niya na maghanda sa paglusob sa Samaria. At sinunod nila ito.
13 Samantala, may dumating na isang propeta kay Ahab, at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Nakita mo ang napakaraming sundalo ni Ben Hadad. Pero ipapatalo ko sila sa iyo sa araw na ito, at malalaman mo na ako ang Panginoon.”