16 Pagkarinig ni Ahab na patay na si Nabot, umalis siya agad para angkinin ang ubasan ni Nabot.
17 Sinabi ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe,
18 “Humayo kaʼt puntahan si Haring Ahab ng Israel, na nakatira sa Samaria. Naroon siya sa ubasan ni Nabot dahil gusto niya itong angkinin.
19 Sabihin mo ito sa kanya: ‘Pagkatapos mong pumatay ng tao, kukunin mo pa pati ang kanyang lupa? Dahil sa iyong ginawa, hihimurin ng mga aso ang dugo mo sa labas ng lungsod, tulad ng paghimod nila roon sa dugo ni Nabot.’ ”
20 Pagkakita ni Ahab kay Elias, sinabi niya, “Natagpuan din ako ng kaaway ko!” Sumagot si Elias, “Oo, pumunta ako sa iyo dahil ipinagbili mo ang iyong sarili sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon!
21 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon sa iyo: ‘Padadalhan kita ng kapahamakan. Papatayin ko ang lahat ng iyong angkan na lalaki, alipin man o hindi.
22 Lilipulin ko ang pamilya mo katulad ng ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat at sa pamilya ni Baasha na anak ni Ahia, dahil ginalit mo ako at ikaw ang naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.’