9 Ito ang mensahe ng kanyang sulat: “Tipunin ninyo ang mga mamamayan para mag-ayuno, at paupuin ninyo si Nabot sa unahan ng mga tao.
10 Pagkatapos, paupuin ninyo sa harapan niya ang dalawang masamang tao para paratangan siya na isinumpa niya ang Dios at ang hari. Pagkatapos, dalhin ninyo siya sa labas ng lungsod at batuhin hanggang mamatay.”
11 Ginawa ng mga tagapamahala at ng iba pang mga opisyal ang sinabi sa kanila ni Jezebel sa sulat.
12 Tinipon nga nila ang mga mamamayan para mag-ayuno at pinaupo nila si Nabot sa unahan ng mga ito.
13 Pagkatapos, may dumating na dalawang masamang tao, umupo sa harapan ni Nabot, at pinaratangan nila ito sa harapan ng mga tao. Sinabi nila, “Isinumpa ni Nabot ang Dios at ang hari.” Kaya dinala nila si Nabot sa labas ng lungsod, at binato hanggang mamatay.
14 Pagkatapos, sumulat sila kay Jezebel na binato nila si Nabot at patay na ito.
15 Nang malaman ni Jezebel na patay na si Nabot, sinabi niya kay Ahab, “Patay na si Nabot kaya lumakad ka at angkinin mo ang taniman niya ng ubas na itinanggi niyang ibenta sa iyo.”