21 Si Solomon ang namamahala sa lahat ng kaharian mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo, hanggang sa hangganan ng Egipto. Ang mga kahariang ito ay nagbabayad ng buwis kay Solomon at nagpapasakop sa kanya habang nabubuhay siya.
22 Ito ang mga pagkaing kailangan ni Solomon sa kanyang palasyo bawat araw: 100 sako ng magandang klaseng harina, 200 sako ng ordinaryong harina,
23 sampung pinatabang baka sa kulungan, 20 baka na galing sa pastulan, 100 tupa o kambing, hindi pa kasama ang ibaʼt ibang uri ng mga usa at magandang uri ng ibon at manok.
24 Sakop ni Solomon ang buong lupain sa kanlurang Ilog ng Eufrates mula sa Tifsa hanggang sa Gaza. At maganda ang pakikitungo niya sa lahat ng bansa sa palibot niya.
25 Kaya habang nabubuhay si Solomon, may kapayapaan sa Juda at sa Israel, mula Dan hanggang sa Beersheba. Ang bawat tao ay payapang nakaupo sa ilalim ng kanyang tanim na ubas at puno ng igos.
26 May 40,000 kwadra si Solomon para sa kanyang mga kabayong pangkarwahe at may 12,000 siyang mangangabayo.
27 Ang mga gobernador sa mga distrito ang nagbibigay ng pangangailangan ni Haring Solomon at ng lahat ng nasa palasyo. Ang bawat isa sa kanila ay may responsibilidad sa pagbibigay bawat buwan. Tinitiyak nilang maibibigay ang mga pangangailangan ni Solomon.