11 Hindi na makagawa ang mga pari sa kanilang gawain sa templo dahil sa ulap, dahil ang kapangyarihan ng Panginoon ay bumalot sa kanyang templo.
12 At nanalangin si Solomon, “Sinabi nʼyo po Panginoon na maninirahan kayo sa makapal na ulap.
13 Ngayon, nagpatayo po ako ng kahanga-hangang na templo para sa inyo, na matatahanan nʼyo magpakailanman.”
14 Pagkatapos, humarap si Haring Solomon sa buong mamamayan ng Israel na nakatayo roon at binasbasan niya sila.
15 Sinabi niya, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako sa aking ama na si David. Sinabi niya noon,
16 ‘Mula nang panahon na inilabas ko ang mga mamamayan kong Israelita sa Egipto, hindi ako pumili ng lungsod sa kahit anong lahi ng Israel para pagtayuan ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. Ngunit pinili ko si David upang mamahala sa mga mamamayan kong Israelita.’
17 “Nasa puso ng aking amang si David na magtayo ng templo sa pagpaparangal sa Panginoon, ang Dios ng Israel.