1 Nang matapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo, at ng iba pa na binalak niyang gawin,
2 nagpakitang muli ang Panginoon sa kanya katulad ng ginawa niya noon sa Gibeon.
3 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Narinig ko ang panalangin at kahilingan mo sa akin. Ang templong ipinatayo mo ang pinili kong lugar kung saan ako pararangalan magpakailanman. Palagi ko itong babantayan at iingatan.
4 At ikaw, kung mamumuhay kang tapat at matuwid sa aking harapan, katulad ng iyong ama na si David, at kung gagawin mo ang lahat ng ipinapagawa ko sa iyo at tutuparin ang aking mga tuntunin at mga utos,
5 paghahariin ko sa Israel ang iyong mga angkan magpakailanman. Ipinangako ko ito sa iyong ama na si David nang sabihin ko sa kanya, ‘Laging magmumula sa angkan mo ang maghahari sa Israel.’
6 Pero kung tatalikod kayo o ang inyong mga angkan sa akin at hindi susunod sa aking mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo, at kung maglilingkod at sasamba kayo sa ibang mga dios,
7 paaalisin ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo at itatakwil ko ang templong ito na hinirang kong lugar kung saan pararangalan ang aking pangalan. Pagkatapos, kukutyain at pagtatawanan ng lahat ng tao ang Israel.