16 (Nilusob ang Gezer at inagaw ito ng Faraon na hari ng Egipto. Sinunog niya ito at pinagpapatay ang mga naninirahan dito na mga Cananeo. Ibinigay niya ang lungsod na ito sa kanyang anak na babae bilang regalo sa kasal nito kay Solomon.
17 At ipinatayong muli ni Solomon ang Gezer.) Ipinatayo rin niya ang ibabang bahagi ng Bet Horon,
18 ang Baalat, ang Tamar na nasa disyerto na sakop ng kanyang lupain,
19 at ang lahat ng lungsod na imbakan ng kanyang mga pangangailangan, at mga karwahe at mga kabayo. Ipinatayo niya ang lahat ng ninanais niyang ipatayo sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng lupaing sakop niya.
20-21 May mga tao pa na naiwan sa Israel na hindi mga Israelita. Sila ay mga lahi ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo, na hindi nalipol ng lubusan ng mga Israelita nang sakupin nila ang lupain ng Canaan. Ginawa silang alipin ni Solomon at pinilit na magtrabaho, at nananatili silang alipin hanggang ngayon.
22 Pero hindi ginawang alipin ni Solomon ang sinumang Israelita. Sa halip, ginawa niya silang kanyang mga sundalo, mga opisyal, mga kapitan ng mga sundalo, mga kumander ng kanyang mga mangangarwahe at mga mangangabayo.
23 Ang 550 sa kanila ay ginawa ni Solomon na mga opisyal na mamamahala sa mga manggagawa ng kanyang mga proyekto.