12 Lumakad si Jehu papunta sa Samaria. Habang nasa daan siya, sa lugar na tinatawag na Pinagtitipunan ng mga Pastol ng mga Tupa,
13 nakita niya ang mga kamag-anak ni Haring Ahazia ng Juda. Tinanong niya ang mga ito, “Sino kayo?” Sumagot sila, “Mga kamag-anak po kami ni Ahazia at nagpunta kami rito para dumalaw sa pamilya ni Haring Ahab at Reyna Jezebel.”
14 Inutusan ni Jehu ang mga tauhan niya, “Hulihin ninyo sila nang buhay!” Kaya hinuli sila nang buhay. Dinala sila at pinatay doon sa balon sa lugar na tinatawag na Pinagtitipunan ng mga Pastol ng mga Tupa – 42 silang lahat. Walang iniwang buhay si Jehu.
15 Pag-alis ni Jehu roon, nakita niyang paparating ang anak ni Recab na si Jehonadab para makipagkita sa kanya. Pagkatapos nilang batiin ang isaʼt isa, tinanong siya ni Jehu, “Tapat ka ba sa akin tulad ng pagiging tapat ko sa iyo?” Sumagot si Jehonadab, “Opo.” Sinabi ni Jehu, “Kung ganoon, iabot mo sa akin ang kamay mo.” Iniabot ni Jehonadab ang kamay niya at pinaakyat siya ni Jehu sa kanyang karwahe.
16 Sinabi ni Jehu, “Sumama ka sa akin para makita mo ang katapatan ko sa Panginoon.” Kaya sumama si Jehonadab sa kanya.
17 Pagdating ni Jehu sa Samaria, pinapatay niya ang lahat ng natira sa pamilya ni Ahab, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.
18 Tinipon ni Jehu ang lahat ng tao at sinabi, “Hindi ganoon katapat si Ahab sa paglilingkod niya kay Baal kung ikukumpara sa gagawin kong paglilingkod.