1 Naging hari si Joash ng Juda nang ikapitong taon ng paghahari ni Jehu sa Israel. Sa Jerusalem siya nakatira, at naghari siya sa loob ng 40 taon. Ang ina niya ay si Zibia na taga-Beersheba.
2 Sa buong buhay niya, matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon dahil tinuruan siya ng paring si Jehoyada.
3 Pero hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng mga insenso.
4 Sinabi ni Joash sa mga pari, “Kolektahin ninyo ang lahat ng pera na dinala sa templo ng Panginoon bilang handog: ang perang kinolekta sa buwis ng sensus, ang perang ibinayad para sa panata, at ang perang handog na kusang-loob na ibinigay.
5 Gamitin ninyo ang lahat ng ito sa pagpapaayos ng templo.”
6 Pero hanggang sa ika-23 taong paghahari ni Joash, hindi pa rin naipapaayos ng mga pari ang templo.
7 Kaya ipinatawag ni Haring Joash si Jehoyada at ang iba pang mga pari at tinanong, “Bakit hindi pa ninyo naipapaayos ang templo? Simula ngayon, huwag na ninyong gagastusin ang mga pera para sa sarili ninyong pangangailangan. Dapat gastusin ito sa pagpapaayos ng templo.”
8 Pumayag ang mga pari na hindi na sila ang mangongolekta ng pera sa mga tao at hindi na rin sila ang magpapaayos ng templo.
9 Kumuha si Jehoyada ng kahon at binutasan ang takip nito. Pagkatapos, inilagay niya ito sa tabi ng altar, sa gawing kanan papasok sa templo ng Panginoon. Kung mayroong magbibigay ng pera sa templo, ang mga paring nagbabantay sa pintuan ang maglalagay nito sa kahon.
10 Kapag puno na ang kahon, binibilang ng kalihim ng hari at ng punong pari ang pera at inilalagay nila ito sa mga lalagyan.
11-12 Pagkatapos, ibibigay nila ang pera sa mga tao na namamahala sa pagpapaayos ng templo. Ito ang ibinabayad nila sa mga nagtatrabaho sa templo ng Panginoon – ang mga karpintero, mga mason, at iba pang mga manggagawa. Ito rin ang ginagamit nilang pambili ng kahoy at mga hinating bato para sa pagpapaayos ng templo ng Panginoon. Binabayaran din nila ang iba pang mga gastusin sa pagpapaayos nito.
13 Hindi ginamit ang perang dinala sa templo sa paggawa ng mga pilak na planggana, mga panggupit ng mitsa ng mga ilaw, mga mangkok, mga trumpeta o kahit anong gamit na ginto o pilak para sa templo ng Panginoon.
14 Ibinayad ang pera sa mga manggagawa ng templo at sa mga materyales.
15 Hindi na sila hinihingan ng listahan kung paano ginastos ang pera, dahil tapat at mapagkakatiwalaan sila.
16 Ang perang ibinigay kasama ng mga handog na pambayad ng kasalanan at ng mga handog sa paglilinis ay hindi dinadala sa templo ng Panginoon, dahil para ito sa mga pari.
17 Nang panahong iyon, si Haring Hazael ng Aram ay lumusob sa Gat at nasakop ito. Pagkatapos, binalak din niyang lusubin ang Jerusalem.
18 Tinipon ni Haring Joash ang mga inihandog niya pati ang lahat ng bagay na inihandog para sa Panginoon ng mga ninuno niya na sina Jehoshafat, Jehoram at Ahazia na mga hari ng Juda. Ipinadala ni Joash ang lahat ng ito kay Hazael pati na ang lahat ng ginto na naroon sa bodega ng templo ng Panginoon at ang mga nasa palasyo. Kaya hindi na lumusob si Hazael sa Jerusalem.
19 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Joash at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
20 Nang bandang huli, nagplano ang mga opisyal niya laban sa kanya at pinatay siya sa Bet Millo sa daang papunta sa Silla.
21 Ang kanyang mga opisyal na pumatay sa kanya ay sina Josacar na anak ni Shimeat at Jehozabad na anak ni Shomer. Inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Amazia ang pumalit sa kanya bilang hari.