1 Naging hari ng Juda ang anak ni Amazia na si Azaria nang ika-27 taon ng paghahari ni Jeroboam II sa Israel.
2 Si Azaria ay 16 na taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 52 taon. Ang ina niya ay si Jecolia na taga-Jerusalem.
3 Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng ama niyang si Amazia.
4 Pero hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng mga insenso roon.
5 Binigyan siya ng Panginoon ng malubhang sakit sa balat, na hindi gumaling hanggang sa araw nang kamatayan niya. Nakatira siya sa isang bukod na bahay. Si Jotam na anak niya ang siyang namahala sa palasyo ng Juda at sa mga mamamayan.
6 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Azaria, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
7 Nang mamatay si Azaria, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Jotam ang pumalit sa kanya bilang hari.
8 Naging hari ng Israel ang anak ni Jeroboam II na si Zacarias nang ika-38 taon ng paghahari ni Azaria sa Juda. Nakatira siya sa Samaria at naghari siya sa loob ng anim na buwan.
9 Masama ang mga ginawa niya sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng mga ninuno niya. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.
10 Nagplano ng masama ang anak ni Jabes na si Shalum laban kay Zacarias. Pinatay niya si Zacarias sa harap ng mga tao at siya ang pumalit bilang hari.
11 Ang iba pang pangyayari tungkol sa paghahari ni Zacarias ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
12 Kaya natupad ang sinabi ng Panginoon kay Jehu, “Ang mga angkan mo ay maghahari sa Israel hanggang sa ikaapat na henerasyon.”
13 Naging hari ng Israel ang anak ni Jabes na si Shalum nang ika-39 na taon ng paghahari ni Uzia sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng isang buwan.
14 Pinatay siya ni Menahem na anak ni Gadi nang dumating ito sa Samaria galing Tirza. Si Menahem ang pumalit kay Shalum bilang hari.
15 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Shalum, pati ang balak niyang pagpatay kay Zacarias ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
16 Nang mga panahong iyon, nilusob ni Menahem ang Tifsa at ang mga lugar sa paligid nito hanggang sa Tirza, dahil ang mga naninirahan dito ay ayaw sumuko sa kanya. Pinatay niya ang lahat ng naninirahan dito at hinati ang tiyan ng mga buntis.
17 Naging hari ng Israel ang anak ni Gadi na si Menahem nang ika-39 na taon ng paghahari ni Azaria sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng sampung taon.
18 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito sa buong paghahari niya.
19 Nang pumunta si Haring Tiglat Pileser ng Asiria sa Israel para lusubin ito, binigyan siya ni Menahem ng 35 toneladang pilak para tulungan siya nito na mapatibay pa ng husto ang paghahari niya.
20 Kinuha ni Menahem ang mga pilak sa mga mayayaman ng Israel sa pamamagitan ng pagpilit sa bawat isa sa kanila na magbigay ng tig-50 pirasong pilak. Kaya huminto sa paglusob ang hari ng Asiria at umuwi sa bansa niya.
21 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Menahem at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
22 Nang mamatay si Menahem, ang anak niyang si Pekaya ang pumalit sa kanya bilang hari.
23 Naging hari ng Israel ang anak ni Menahem na si Pekaya nang ika-50 taon ng paghahari ni Azaria sa Juda. Sa Samaria siya nakatira, at naghari siya roon sa loob ng dalawang taon.
24 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.
25 Nagplano ng masama ang anak ni Remalia na si Peka laban kay Pekaya. Si Peka ang kumander ng mga sundalo ni Pekaya. Kasama ng 50 tao mula sa Gilead, pinatay ni Peka si Pekaya pati sina Argob at Arie sa matatatag na gusali ng palasyo sa Samaria. Pinalitan ni Peka si Pekaya bilang hari.
26 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Pekaya at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
27 Naging hari ng Israel ang anak ni Remalia na si Peka nang ika-52 taon ng paghahari ni Azaria sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 20 taon.
28 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.
29 Nang panahon ng paghahari ni Peka, nilusob ni Haring Tiglat Pileser ng Asiria ang Israel at nasakop niya ang mga lungsod ng Ijon, Abel Bet Maaca, Janoa, Kedesh at Hazor. Nasakop din niya ang Gilead, Galilea at ang buong lupain ng Naftali. At dinala niya sa Asiria ang mga naninirahan dito bilang mga bihag.
30 Pagkatapos, nagplano ng masama ang anak ni Elah na si Hoshea laban sa anak ni Remalia na si Peka. Pinatay niya si Peka at pinalitan bilang hari. Nangyari ito nang ika-20 taon ng paghahari ng anak ni Uzia na si Jotam sa Juda.
31 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Peka, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
32 Naging hari ng Juda ang anak ni Uzia na si Jotam nang ikalawang taon ng paghahari ng anak ni Remalia na si Peka sa Israel.
33 Si Jotam ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Ang ina niya ay si Jerusha na anak ni Zadok.
34 Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng ama niyang si Uzia.
35 Pero hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng insenso roon. Si Jotam ang nagpatayo ng Hilagang Pintuan ng templo ng Panginoon.
36 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jotam, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
37 Nang panahon ng paghahari niya, sinimulang ipadala ng Panginoon sina Haring Rezin ng Aram at Haring Peka ng Israel para lusubin ang Juda.
38 Nang mamatay si Jotam, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Ahaz ang pumalit sa kanya bilang hari.