1 Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan, nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekia, lumusob si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ang buong sundalo niya sa Jerusalem. Nagkampo sila sa labas ng lungsod at nagtambak ng mga lupa sa gilid ng pader nito para makasampa sila.
2 Pinalibutan nila ang lungsod hanggang ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia.
3 Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, matindi na ang taggutom sa lungsod at wala nang makain ang mga tao.
4 Winasak na ng mga taga-Babilonia ang isang bahagi ng pader ng lungsod, kaya naisip ni Zedekia na tumakas kasama ang kanyang buong hukbo. Pero dahil sa napalibutan na sila ng mga taga-Babilonia, naghintay sila hanggang sa gumabi. Doon sila dumaan sa pintuan na nasa pagitan ng dalawang pader malapit sa halamanan ng hari. Tumakas sila patungo sa Lambak ng Jordan,
5 pero hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Humiwalay kay Zedekia ang lahat ng sundalo niya,
6 at siyaʼy nahuli. Dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, at doon siya hinatulan.
7 Pinatay sa harapan niya ang mga anak niyang lalaki. Dinukit ang mga mata niya, at nakakadena siyang dinala sa Babilonia.
8 Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan, nang ika-19 na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, pumunta sa Jerusalem si Nebuzaradan na kumander ng mga guwardya ng hari ng Babilonia.
9 Sinunog niya ang templo ng Panginoon, ang palasyo, ang lahat ng bahay sa Jerusalem at ang lahat ng mahahalagang gusali.
10 Sa pamamahala niya, giniba ng mga sundalo ng Babilonia ang mga pader na nakapalibot sa Jerusalem.
11 At dinala niyang bihag ang mga natitirang tao sa lungsod, pati ang mga taong kumampi sa hari ng Babilonia.
12 Pero itinira niya ang iba sa pinakamahihirap na tao para mag-alaga sa mga ubasan at bukirin.
13 Sinira ng mga taga-Babilonia ang mga kagamitan sa templo ng Panginoon: ang mga haliging tanso, mga karitong ginagamit sa pag-iigib, at ang malaking lalagyan ng tubig na tanso na tinatawag nilang Dagat. At dinala nila ang mga tanso sa Babilonia.
14 Kinuha rin nila ang mga kawali, mga pala, mga panggupit ng mitsa ng ilaw, mga mangkok at ang iba pang tanso na ginagamit sa templo.
15 Kinuha rin ni Nebuzaradan ang mga lalagyan ng baga, mga mangkok at ang iba pang mga gamit na ginto at pilak.
16 Hindi matimbang ang mga tanso na mula sa dalawang haligi, sa malaking lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat, at sa mga kariton na ginagamit sa pag-iigib ng tubig. Ito ang mga bagay na ipinagawa noon ni Solomon para sa templo ng Panginoon.
17 Ang bawat haligi ay may taas na 27 talampakan. Ang dalawang tanso na ulo ng bawat haligi ay may taas na apat at kalahating talampakan. Pinaikutan ito ng mga kadenang dugtong-dugtong at napapalibutan ng dekorasyong tanso, na hugis prutas na pomegranata.
18 Binihag din ni Nebuzaradan ang punong pari na si Seraya, si Zefanias na sumunod sa posisyon ni Seraya at ang tatlong guwardya ng pintuan ng templo.
19 Ito pa ang mga nakita niya at dinalang bihag mula sa lungsod: ang opisyal ng mga sundalo ng Juda, ang limang tagapamahala ng hari, ang kumander na kumukuha at nagsasanay ng mga taong magiging sundalo at ang 60 pang mamamayan doon.
20 Dinala silang lahat ni Nebuzaradan sa hari ng Babilonia na nasa Ribla,
21 na sakop ng Hamat. At doon sila pinatay ng hari. Kaya ang mga mamamayan ng Juda ay binihag at dinala papalayo sa lupain nila.
22 Pinili ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia si Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan bilang gobernador ng mga naiwang tao sa Juda.
23 Nang marinig ito ng mga opisyal ng Juda at ng mga tauhan nila, pumunta sila kay Gedalia sa Mizpa. Sila ay sina Ishmael na anak ni Netania, Johanan na anak ni Karea, Seraya na anak ni Tanhumet na taga-Netofa, Jaazania na taga-Maaca, at ang kanilang mga tauhan.
24 Nanumpa si Gedalia sa kanila at sa mga tauhan nila, “Huwag kayong matakot sa mga opisyal ng Babilonia. Manirahan lang kayo rito at paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia at walang mangyayari sa inyo.”
25 Pero, nang ikapitong buwan nang taon na iyon, si Ishmael na anak ni Netania at apo ni Elishama, na miyembro ng sambahayan ng hari ay pumunta sa Mizpa. Kasama ang sampung tao, pinatay nila si Gedalia at ang mga kasama nitong taga-Juda at taga-Babilonia.
26 Dahil dito, lahat ng tao sa Juda mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa, pati ang mga opisyal ng mga sundalo ay tumakas papuntang Egipto dahil natakot sila sa maaaring gawin sa kanila ng mga taga-Babilonia.
27 Noong ika-37 taon ng pagkabihag ni Haring Jehoyakin ng Juda, naging hari ng Babilonia si Evil Merodac. Pinalaya niya si Jehoyakin nang ika-27 araw ng ika-12 buwan ng taong ding iyon.
28 Mabait siya kay Jehoyakin at pinarangalan niya ito higit sa ibang mga hari na binihag din sa Babilonia.
29 Kaya hindi na nagsuot si Jehoyakin ng damit na para sa mga bilanggo, at mula noon ay kumakain na siya kasama ng hari.
30 Araw-araw siyang binibigyan ng hari ng mga pangangailangan niya habang siyaʼy nabubuhay.