1 Ipinatawag ni Eliseo ang isa sa miyembro ng grupo ng mga propeta at sinabi, “Maghanda ka, dalhin mo ang lalagyan ng langis, at pumunta ka sa Ramot Gilead.
2 Pagdating mo roon, hanapin mo si Jehu na anak ni Jehoshafat na apo ni Nimsi. Kunin mo siya sa mga kasama niya at dalhin mo sa isang kwarto na dalawa lang kayo.
3 Pagkatapos, kunin mo ang langis, ibuhos mo sa ulo niya at sabihin, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon: Pinili kitang maging hari ng Israel.’ Pagkatapos, buksan mo ang pintuan at tumakbo ka nang mabilis.”
4 Kaya pumunta ang binatang propeta sa Ramot Gilead.
5 Pagdating niya roon, nakita niyang nakaupo ang mga opisyal na mga sundalo. Sinabi niya, “May mensahe po ako para sa inyo, mahal na pinuno.” Nagtanong si Jehu, “Para kanino iyan?” Sumagot ang tao, “Para po sa inyo, mahal na pinuno.”
6 Tumayo si Jehu at pumasok sa bahay. Pagkatapos, ibinuhos ng propeta ang langis sa ulo ni Jehu at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Pinili kitang maging hari ng mga mamamayan ng Panginoon sa Israel.
7 Patayin mo ang pamilya ni Ahab na iyong amo. Sa ganitong paraan, maipaghihiganti ko ang mga propeta at ang iba pang mga lingkod ng Panginoon na pinatay ni Jezebel.
8 Mauubos ang lahat ng miyembro ng pamilya ni Ahab. Papatayin ko ang lahat ng lalaki sa kanyang pamilya, alipin man o hindi.
9 Gagawin ko sa pamilya ni Ahab ang ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa pamilya ni Baasha na anak ni Ahia.
10 Si Jezebel naman ay kakainin ng mga aso sa lupain ng Jezreel at walang maglilibing sa kanya.” Binuksan ng batang propeta ang pinto at tumakbo papalayo.
11 Pagbalik ni Jehu sa mga kasama niyang opisyal, isa sa kanila ang nagtanong sa kanya, “May problema ba? Bakit ka pinuntahan ng baliw na iyon?” Sumagot si Jehu, “Kilala ninyo kung sino siya at kung ano ang kanyang pinagsasabi.”
12 Sumagot sila, “Hindi totoo iyan. Sabihin mo sa amin kung ano talaga ang sinabi niya.” Sinabi ni Jehu, “Ito ang sinabi niya sa akin, ‘Sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Pinili kitang maging hari ng Israel.’ ”
13 Nang marinig ito ng mga opisyal, tinanggal nila ang mga balabal nila at inilatag sa hagdanan para kay Jehu. Pinatunog nila ang trumpeta at sumigaw, “Si Jehu na ang hari!”
14 Nagplano si Jehu na anak ni Jehoshafat at apo ni Nimsi laban kay Joram. (Nang panahong iyon, ipinagtatanggol ni Joram at ng mga taga-Israel ang Ramot Gilead laban kay Haring Hazael ng Aram.
15 Pero nasugatan si Joram sa pakikipaglaban nila sa mga Arameo kaya kinailangan niyang umuwi sa Jezreel para magpagaling.) Sinabi ni Jehu sa mga kasama niyang opisyal, “Kung gusto ninyo maging hari ako, huwag ninyong hayaang may lumabas sa lungsod para pumunta sa Jezreel at ibalita na ginawa ninyo akong hari.”
16 Sumakay agad si Jehu sa karwahe niya at pumunta sa Jezreel kung saan nagpapagaling si Joram. Si haring Ahazia ay naroon din dahil binisita niya si Joram.
17 Ngayon, nakita ng guwardya sa tore ng Jezreel si Jehu na paparating kasama ang mga sundalo nito, kaya sumigaw siya, “May paparating na mga sundalo!” Sumagot si Joram, “Magpadala ka ng mangangabayo para alamin kung kapayapaan ang sadya nila sa pagpunta rito.”
18 Kaya umalis ang mangangabayo para salubungin si Jehu at sinabi, “Gusto pong malaman ng hari kung kapayapaan ang sadya ninyo rito.” Sumagot si Jehu, “Wala ka nang pakialam doon! Sumunod ka sa akin!”Sumigaw ang guwardya sa hari, “Nakarating na po sa kanila ang mangangabayo pero hindi pa siya bumabalik.”
19 Kaya muling nagpadala ang hari ng isang mangangabayo. Pagdating niya kina Jehu sinabi niya, “Gustong malaman ng hari kung kapayapaan ang sadya ninyo rito.” Sumagot si Jehu, “Wala ka nang pakialam doon! Sumunod ka sa akin!”
20 Muling sumigaw ang guwardya sa hari, “Nakarating na po sa kanila ang ikalawang mangangabayo, pero hindi pa siya bumabalik! Sobrang bilis magpatakbo ng karwahe ng kanilang pinuno; parang si Jehu na apo ni Nimsi!”
21 Sinabi ni Joram, “Ihanda mo ang karwahe ko.” Nang maihanda na, umalis sina Haring Joram ng Israel at Haring Ahazia ng Juda, para salubungin si Jehu. Nakasakay sila sa kani-kanilang karwahe. Nagkita sila ni Jehu sa lupain ni Nabot na taga-Jezreel.
22 Pagkakita ni Joram kay Jehu, tinanong niya ito, “Kapayapaan ba ang sadya mo rito, Jehu?” Sumagot si Jehu, “Kahit kailan hindi magkakaroon ng kapayapaan hanggaʼt may pagsamba sa dios-diosan sa pamamagitan ng prostitusyon at pangkukulam na inumpisahan ng iyong ina na si Jezebel.”
23 Pinabalik ni Joram ang kabayo niya at pinatakbo nang mabilis. Sinigawan niya si Ahazia, “Nagtraydor si Jehu sa akin!”
24 Kinuha ni Jehu ang palaso niya at pinana si Joram sa likod. Tumagos ang pana sa puso nito at humandusay ito sa loob ng karwahe.
25 Sinabi ni Jehu kay Bidkar na kanyang opisyal, “Kunin mo ang bangkay ni Joram at itapon sa bukid ni Nabot na taga-Jezreel. Naaalala mo ba noong nakasakay tayo sa karwahe sa likuran ni Ahab na kanyang ama? Ito ang sinabi ng Panginoon laban sa kanya:
26 ‘Nakita ko kahapon ang pagkamatay ni Nabot at ng kanyang mga anak. At nangangako ako na parurusahan kita sa lupain mismo ni Nabot. Ako ang Panginoon ang nagsasabi nito.’ Kaya kunin mo ang katawan niya at itapon sa bukid ni Nabot ayon sa sinabi ng Panginoon.”
27 Nang makita ni Haring Ahazia ng Juda ang nangyari, tumakas siya papunta sa Bet Haggan. Hinabol siya ni Jehu na sumisigaw, “Panain din siya!” Kaya pinana nila siya sa kanyang karwahe sa daan papunta sa Gur, malapit sa Ibleam. Nakatakas siya na sugatan hanggang sa Megido, pero namatay siya roon.
28 Kinuha ng mga lingkod ni Ahazia ang bangkay niya at isinakay sa karwahe papunta sa Jerusalem. Inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David.
29 Naging hari ng Juda si Ahazia nang ika-11 taon ng paghahari ni Joram na anak ni Ahab sa Israel.
30 Pumunta si Jehu sa Jezreel. Nang nalaman ito ni Jezebel, kinulayan ni Jezebel ng pampaganda ang kanyang mga mata, inayos ang buhok niya at dumungaw sa bintana ng palasyo.
31 Pagpasok ni Jehu sa pintuan ng palasyo sinabi ni Jezebel sa kanya, “Kapayapaan ba ang sadya mo rito, ikaw na mamamatay-tao? Katulad ka ni Zimri na pinatay ang kanyang amo!”
32 Tumingala si Jehu at nakita niya si Jezebel sa bintana at nagtanong, “Sino sa inyo riyan ang kakampi sa akin?” May dalawa o tatlong opisyal na dumungaw sa kanya sa bintana.
33 Sinabi ni Jehu sa kanila, “Ihulog ninyo siya!” Kaya inihulog nila si Jezebel. Tumalsik ang dugo nito sa pader at sa mga kabayo. Tinapak-tapakan ng mga kabayo ni Jehu ang katawan ni Jezebel.
34 Nang pumasok si Jehu sa palasyo, kumain siya at uminom. Pagkatapos ay sinabi niya, “Kunin ninyo ang isinumpang babaeng iyan at ilibing dahil anak siya ng hari.”
35 Pero nang kukunin na nila ang bangkay niya para ilibing, wala nang natira sa kanya, maliban sa kanyang bungo, mga paa at mga kamay.
36 Kaya bumalik sila at sinabi kay Jehu ang nangyari. Sinabi ni Jehu, “Natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niyang si Elias na taga-Tisbe: Sa isang lupain ng Jezreel, kakainin ng mga aso ang laman ni Jezebel.
37 Ang katawan niya ay kakalat na parang dumi sa bukid ng Jezreel at walang makakakilala sa kanya.”