1 Nang panahon ng paghahari ni Jehoyakim, nilusob ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang Juda at sa loob ng tatlong taon napasailalim sa kanyang pamamahala si Jehoyakim. Pero sa huli nagrebelde siya kay Nebucadnezar.
2 Ipinadala ng Panginoon ang mga taga-Babilonia, taga-Aram, taga-Moab at taga-Ammon para lusubin ang Juda, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng mga lingkod niyang propeta.
3 Nangyari ito sa Juda ayon sa iniutos ng Panginoon, para mapalayas niya ang mga ito sa harapan niya, dahil sa mga kasalanang ginawa ni Manase.
4 Ang pagpatay niya sa mga inosenteng tao at ang pagdanak ng dugo nito sa Jerusalem ay hindi mapapatawad ng Panginoon.
5 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoyakim, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
6 Nang mamatay si Jehoyakim, ang anak niyang si Jehoyakin ang pumalit sa kanya bilang hari.
7 Hindi na muling lumusob ang hari ng Egipto, dahil sinakop ng hari ng Babilonia ang lahat ng teritoryo nito, mula sa Lambak ng Egipto hanggang sa Ilog ng Eufrates.
8 Si Jehoyakin ay 18 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan. Ang ina niya ay si Nehusta na taga-Jerusalem at anak ni Elnatan.
9 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng ama niyang si Jehoyakim.
10 Nang panahon ng paghahari niya, ang mga opisyal ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay lumusob sa Jerusalem at pinalibutan ito.
11 Pumunta si Nebucadnezar sa Jerusalem habang pinalilibutan ng kanyang mga tauhan ang buong lungsod.
12 At sumuko sa kanya si Haring Jehoyakin kasama ang kanyang ina, mga lingkod, mga tanyag na tao at mga opisyal.Nang ikawalong taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, binihag niya si Jehoyakin.
13 Ayon sa sinabi noon ng Panginoon, kinuha ni Nebucadnezar ang lahat ng kayamanan sa templo ng Panginoon at sa palasyo, at ang lahat ng gintong kagamitan na ipinagawa ni Haring Solomon ng Israel para sa templo ng Panginoon.
14 At binihag niya ang 10,000 naninirahan sa Jerusalem, kasama ang lahat ng opisyal, pinakamahuhusay na sundalo, lahat ng mahuhusay na manggagawa at mga panday. Ang pinakamahihirap na tao lang ang natira.
15 Binihag ni Nebucadnezar si Jehoyakin sa Babilonia, pati ang kanyang ina, mga asawa, mga opisyal at ang mga tanyag na tao sa Juda.
16 Binihag din ni Nebucadnezar ang 7,000 pinakamatatapang na sundalo, 1,000 mahuhusay na manggagawa at mga panday na mga sundalo rin.
17 Ang ipinalit niya bilang hari ay si Matania na tiyuhin ni Jehoyakin. At pinalitan niya ang pangalan ni Matania na Zedekia.
18 Si Zedekia ay 21 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Ang ina niya ay si Hamutal na taga-Libna at anak ni Jeremias.
19 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ni Jehoyakim.
20 Sa galit ng Panginoon, pinalayas niya sa harapan niya ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda.Nagrebelde si Zedekia sa hari ng Babilonia.