19 Kaya papuntahin ninyo sa akin ang lahat ng propeta, pari ni Baal at ang lahat ng naglilingkod sa kanya. Kailangang nandito silang lahat, dahil mag-aalay ako ng malaking handog para kay Baal. Ipapapatay ko ang hindi pupunta.” Pero nagkukunwari lang si Jehu para mapatay niya ang mga naglilingkod kay Baal.
20 Sinabi ni Jehu, “Maghanda ng banal na pagtitipon para sambahin si Baal.” Kaya ipinaalam nila ito sa mga tao.
21 Ipinatawag ni Jehu sa buong Israel ang lahat ng naglilingkod kay Baal. Pumunta silang lahat at walang naiwan sa bahay nila. Pumasok silang lahat sa templo ni Baal at napuno ito.
22 Sinabi ni Jehu sa nangangasiwa ng espesyal na kasuotan, “Ipasuot mo ito sa bawat isa na sasamba kay Baal.” Kaya binigyan niya ng damit ang mga ito.
23 Pagkatapos, pumasok si Jehu at ang anak ni Recab na si Jehonadab sa templo ni Baal. Sinabi ni Jehu sa mga naglilingkod kay Baal, “Tiyakin ninyo na walang sumasamba sa Panginoon na napasama sa inyo. Kayo lang na mga sumasamba kay Baal ang dapat na nandito.”
24 Nang nandoon sila sa loob ng templo, nag-alay sila ng mga handog na sinusunog at ng iba pang handog. Mayroong 80 tauhan si Jehu sa labas ng templo. Sinabi niya sa kanila, “Ibinigay ko sila sa inyong mga kamay para patayin. Ang sinuman sa inyo ang magpabaya na makatakas kahit isa sa kanila ay papatayin ko.”
25 Matapos ialay ni Jehu ang mga handog na sinusunog, inutusan niya ang mga guwardya at mga opisyal, “Pumasok kayo at patayin ninyo ang mga sumasamba kay Baal! Huwag ninyong hayaang may makatakas sa kanila!” Kaya pinatay nila ang mga ito sa pamamagitan ng espada at itinapon ang mga bangkay nila sa labas. Pagkatapos, pumasok sila sa pinakaloob na bahagi ng templo ni Baal