23 Pagkatapos, pumasok si Jehu at ang anak ni Recab na si Jehonadab sa templo ni Baal. Sinabi ni Jehu sa mga naglilingkod kay Baal, “Tiyakin ninyo na walang sumasamba sa Panginoon na napasama sa inyo. Kayo lang na mga sumasamba kay Baal ang dapat na nandito.”
24 Nang nandoon sila sa loob ng templo, nag-alay sila ng mga handog na sinusunog at ng iba pang handog. Mayroong 80 tauhan si Jehu sa labas ng templo. Sinabi niya sa kanila, “Ibinigay ko sila sa inyong mga kamay para patayin. Ang sinuman sa inyo ang magpabaya na makatakas kahit isa sa kanila ay papatayin ko.”
25 Matapos ialay ni Jehu ang mga handog na sinusunog, inutusan niya ang mga guwardya at mga opisyal, “Pumasok kayo at patayin ninyo ang mga sumasamba kay Baal! Huwag ninyong hayaang may makatakas sa kanila!” Kaya pinatay nila ang mga ito sa pamamagitan ng espada at itinapon ang mga bangkay nila sa labas. Pagkatapos, pumasok sila sa pinakaloob na bahagi ng templo ni Baal
26 at kinuha nila roon ang alaalang bato at dinala sa labas ng templo, at sinunog.
27 Dinurog nila ang alaalang bato ni Baal at giniba nila ang templo nito. Ginawa nila itong pampublikong palikuran hanggang ngayon.
28 Sa ganitong paraan sinira ni Jehu ang pagsamba ng Israel kay Baal.
29 Pero sinunod pa rin niya ang mga kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Ito ay ang pagsamba sa mga gintong baka sa Betel at Dan.