28 Sa ganitong paraan sinira ni Jehu ang pagsamba ng Israel kay Baal.
29 Pero sinunod pa rin niya ang mga kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Ito ay ang pagsamba sa mga gintong baka sa Betel at Dan.
30 Sinabi ng Panginoon kay Jehu, “Mabuti ang ginawa mong pagsunod sa mga utos ko na patayin ang pamilya ni Ahab. Dahil sa ginawa mong ito, magiging hari sa Israel ang angkan mo hanggang sa ikaapat na henerasyon.”
31 Pero hindi sumunod si Jehu sa kautusan ng Panginoon, ang Dios ng Israel, nang buong puso. Sa halip, sinunod niya ang kasalanan ni Jeroboam, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.
32 Nang panahong iyon, unti-unting pinaliliit ng Panginoon ang teritoryo ng Israel. Nasakop ni Haring Hazael ang mga lugar ng Israel
33 sa silangan ng Ilog ng Jordan: ang buong Gilead, Bashan, at mga lugar sa hilaga ng bayan ng Aroer na malapit sa Lambak ng Arnon. Ang mga lugar na ito ay dating pinamayanan ng mga lahi ni Gad, Reuben at Manase.
34 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehu, at ang lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.