8 Isang araw, nagsugo si Amazia ng mga mensahero kay Haring Jehoash ng Israel, na anak ni Jehoahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya si Jehoash at sinabi, “Makipaglaban ka sa akin.”
9 Pero sinagot siya ni Haring Jehoash sa pamamagitan ng kwentong ito: “Doon sa Lebanon ay may halamang may tinik na nagpadala ng mensahe sa puno ng sedro: ‘Ipakasal mo ang anak mong babae sa anak kong lalaki.’ Pero may dumaang hayop mula sa gubat at tinapak-tapakan ang halamang may tinik.
10 Amazia, totoong natalo mo ang Edom at ipinagyayabang mo ito. Magdiwang ka at huwag ka na lang makipaglaban sa amin. Manatili ka na lang sa iyong lugar. Bakit gusto mo ng gulo na magdadala lang ng kapahamakan sa iyo at sa Juda?”
11 Pero hindi nakinig si Amazia, kaya nilusob siya ni Haring Jehoash at ng mga sundalo nito. Naglaban sila sa Bet Shemesh na sakop ng Juda.
12 Natalo ng Israel ang Juda, at ang bawat sundalo ng Juda ay tumakas pauwi sa kanilang bahay.
13 Nadakip ni Haring Jehoash si Haring Amazia roon sa Bet Shemesh, at dinala niya siya sa Jerusalem. Pagkatapos, giniba ni Jehoash ang mga pader ng Jerusalem mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Sulok na Pintuan, na mga 600 talampakan ang haba.
14 Kinuha niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitan na nakita niya sa templo ng Panginoon at kabang-yaman ng palasyo. Nagdala rin siya ng mga bihag pagbalik niya sa Samaria.