1 Naging hari ng Juda ang anak ni Jotam na si Ahaz nang ika-17 taon ng paghahari ng anak ni Remalia na si Peka sa Israel.
2 Si Ahaz ay 20 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios, hindi katulad ng ginawa ng kanyang ninuno na si David.
3 Sumunod siya sa pamumuhay ng mga naging hari ng Israel, at kahit ang kanyang anak ay inihandog niya sa apoy. Ginaya niya ang mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita.
4 Nag-alay siya ng mga handog at nagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar, sa ibabaw ng bundok at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy.
5 Nakipaglaban sina Haring Rezin ng Aram at Haring Peka ng Israel kay Ahaz. Nilusob nila ang Jerusalem pero hindi nila ito nasakop.
6 Nang panahong iyon, nabawi ni Haring Rezin ng Aram ang Elat sa pamamagitan ng pagpapalayas niya sa mga mamamayan ng Juda. At pumunta ang mga Arameo roon para manirahan at doon sila nakatira hanggang ngayon.