2 Hari 16:11-18 ASND

11 Gumawa si Uria ng altar ayon sa plano na ipinadala ni Ahaz at natapos niya ang altar bago makabalik si Ahaz galing Damascus.

12-13 Pagdating ni Haring Ahaz mula sa Damascus, nakita niya ang altar. Lumapit siya dito at nag-alay ng handog na sinusunog at handog na pagpaparangal at ibinuhos niya sa altar ang handog na inumin at winisikan ng dugo ng hayop na handog para sa mabuting relasyon.

14 Pagkatapos, tinanggal niya ang lumang tansong altar na nasa presensya ng Panginoon. Ito ay nasa pagitan ng bagong altar at ng templo ng Panginoon at inilagay niya ito sa bandang hilaga ng bagong altar.

15 Inutusan niya ang paring si Uria, “Gamitin mo ang bagong altar para sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog tuwing umaga at mga handog ng pagpaparangal sa Panginoon tuwing gabi. Gamitin mo rin ito sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog at handog ng pagpaparangal ng hari at ng mga tao, pati na rin ang kanilang mga handog na inumin. Iwisik mo sa bagong altar ang dugo ng handog na sinusunog at ng iba pang mga handog. Pero gagawin kong lugar na aking dalanginan ang tansong altar.”

16 At ginawa nga ng paring si Uria ang lahat ng iniutos ni Haring Ahaz sa kanya.

17 Pagkatapos, inalis ni Haring Ahaz ang mga dingding ng kariton at mga planggana na nasa ibabaw nito. Inalis rin niya ang malaking kawa ng tubig na tinatawag na Dagat sa likod ng mga tansong toro at inilagay ito sa patungang bato.

18 Para masiyahan ang hari ng Asiria, inalis ni Ahaz sa palasyo ang bubong na ginagamit kung Araw ng Pamamahinga at isinara ang daanan ng mga hari ng Juda papasok sa templo.