18 Galit na galit ang Panginoon sa Israel kaya pinalayas niya ang mga ito sa harapan niya. Ang lahi lang ni Juda ang natira sa lupain.
19 Pero kahit ang mga taga-Juda ay hindi rin sumunod sa mga utos ng Panginoon na kanilang Dios. Ginawa rin nila kung ano ang mga ginawa ng mga taga-Israel.
20 Kaya itinakwil ng Panginoon ang lahat ng mamamayan ng Israel. Ibinigay niya sila sa mga kaaway nila bilang parusa hanggang sa mawala sila sa kanyang presensya.
21 Nang ihiwalay ng Panginoon ang Israel sa kaharian ni David, ginawang hari ng mga taga-Israel si Jeroboam na anak ni Nebat. Hinikayat ni Jeroboam ang mga taga-Israel sa pagtalikod sa Panginoon at siya ang nagtulak sa kanila sa paggawa ng napakalaking kasalanan.
22 Nagpatuloy sa pagsunod ang mga taga-Israel sa mga kasalanan ni Jeroboam at hindi sila tumalikod dito,
23 hanggang sa pinalayas sila ng Panginoon sa kanyang harapan, ayon sa babala niya sa kanila sa pamamagitan ng mga lingkod niyang propeta. Kaya binihag ng Asiria ang lahat ng mamamayan ng Israel at doon sila nakatira hanggang ngayon.
24 Nagpadala ang hari ng Asiria ng mga tao mula sa Babilonia, Cuta, Ava, Hamat at Sefarvaim, at pinatira niya sila sa mga bayan ng Samaria para palitan ang mga Israelita. Sinakop ng mga taga-Asiria ang Samaria at ang iba pang mga bayan ng Israel.