3 Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, matindi na ang taggutom sa lungsod at wala nang makain ang mga tao.
4 Winasak na ng mga taga-Babilonia ang isang bahagi ng pader ng lungsod, kaya naisip ni Zedekia na tumakas kasama ang kanyang buong hukbo. Pero dahil sa napalibutan na sila ng mga taga-Babilonia, naghintay sila hanggang sa gumabi. Doon sila dumaan sa pintuan na nasa pagitan ng dalawang pader malapit sa halamanan ng hari. Tumakas sila patungo sa Lambak ng Jordan,
5 pero hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Humiwalay kay Zedekia ang lahat ng sundalo niya,
6 at siyaʼy nahuli. Dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, at doon siya hinatulan.
7 Pinatay sa harapan niya ang mga anak niyang lalaki. Dinukit ang mga mata niya, at nakakadena siyang dinala sa Babilonia.
8 Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan, nang ika-19 na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, pumunta sa Jerusalem si Nebuzaradan na kumander ng mga guwardya ng hari ng Babilonia.
9 Sinunog niya ang templo ng Panginoon, ang palasyo, ang lahat ng bahay sa Jerusalem at ang lahat ng mahahalagang gusali.