7 Nang mabasa ng hari ng Israel ang sulat, pinunit niya ang damit niya at sinabi, “Bakit ipinadala niya sa akin ang taong ito na may malubhang sakit sa balat para pagalingin? Dios ba ako? May kapangyarihan ba ako para pumatay at bumuhay? Gumagawa lang siya ng paraan para makipag-away!”
8 Nang malaman ni Eliseo na lingkod ng Dios ang nangyari, nagpadala siya ng ganitong mensahe sa hari: “Bakit mo pinunit ang damit mo? Papuntahin mo sa akin ang taong iyan para malaman niya na may propeta sa Israel.”
9 Kaya umalis si Naaman sakay ng mga kabayo at karwahe niya at huminto sa pintuan ng bahay ni Eliseo.
10 Nagsugo si Eliseo ng mensahero para sabihin kay Naaman na pumunta siya sa Ilog ng Jordan, lumubog doon ng pitong beses at gagaling siya.
11 Pero nagalit si Naaman at umalis nang padabog. Sinabi niya, “Akala ko, talagang lalabas siya at haharap sa akin. Iniisip ko na tatawagin niya ang Panginoon niyang Dios, at ikukumpas ang kanyang kamay sa ibabaw ng aking balat at pagagalingin ako.
12 Ang mga ilog ng Abana at Farpar sa Damascus ay mas mabuti kaysa sa ibang mga ilog dito sa Israel. Bakit hindi na lang ako roon lumubog para gumaling?” Kaya umalis siyang galit na galit.
13 Pero lumapit ang mga utusan niya at sinabi, “Amo, kung may ipinapagawa po sa inyo na malaking bagay ang propeta, hindi ba gagawin ninyo ito? Pero bakit hindi ninyo magawa ang sinabi niya na maghugas at gagaling kayo.”