10 Kaya nag-utos ang hari ng Israel na sabihan ang mga nakatira sa lugar na sinasabi ni Eliseo na maging handa sila. Palaging nagbibigay ng babala si Eliseo sa hari.
11 Dahil dito, nagalit ang hari ng Aram. Ipinatawag niya ang mga opisyal niya at sinabi, “Sino sa inyo ang kumakampi sa hari ng Israel?”
12 Nagsalita ang isa sa opisyal niya, “Wala po talaga kahit isa man sa amin, Mahal na Hari. Ang propeta sa Israel na si Eliseo ang nagpapahayag sa hari ng Israel ng lahat ng sinasabi ninyo kahit pa ang sinasabi nʼyo sa loob ng inyong kwarto.”
13 Sinabi ng hari, “Lumakad ka at hanapin siya para makapagpadala ako ng mga tauhan upang hulihin siya.”Nang sinabi sa hari na si Eliseo ay naroon sa Dotan,
14 nagpadala siya roon ng maraming sundalo na nakasakay sa mga kabayo at karwahe. Gabi na nang nakarating sila sa Dotan at pinaligiran nila ito.
15 Kinabukasan, gumising ng maaga ang katulong ni Eliseo, nakita niya ang mga sundalo na nakasakay sa mga kabayo at karwahe na nakapaligid sa lungsod. Sinabi niya kay Eliseo, “Ano po ang gagawin natin, amo?”
16 Sumagot si Eliseo, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kasama kaysa sa kanila.”