19 Sinabi ni Eliseo sa mga kaaway, “Hindi ito ang tamang daan at hindi ito ang lungsod ng Dotan. Sumunod kayo sa akin, dadalhin ko kayo sa taong hinahanap ninyo.” Kaya dinala sila ni Eliseo sa Samaria.
20 Pagpasok nila sa Samaria nanalangin si Eliseo, “Panginoon, buksan po ninyo ang mga mata nila para makakita sila.” Binuksan nga ng Panginoon ang mga mata ng mga sundalo ng Aram at nakita nila na nasa loob na sila ng Samaria.
21 Pagkakita ng hari ng Israel sa kanila, tinanong niya si Eliseo, “Papatayin ko po ba sila, ama?”
22 Sumagot si Eliseo, “Huwag mo silang patayin. Pinapatay ba natin ang mga bihag sa labanan? Bigyan mo sila ng makakain at maiinom at pabalikin mo sila sa kanilang hari.”
23 Kaya naghanda ang hari ng isang malaking salo-salo para sa kanila at pagkatapos, pinauwi sila sa kanilang hari. At mula noon, hindi na muling lumusob ang mga Arameo sa lupain ng Israel.
24 Kinalaunan, tinipon ni Haring Ben Hadad ng Aram ang kanyang buong hukbo, at nilusob ang Samaria.
25 Dahil dito, nagkaroon ng malaking taggutom sa lungsod, hanggang sa nagsitaasan ang mga bilihin. Ang halaga ng ulo ng asno ay 80 pirasong pilak at ang isang gatang na dumi ng kalapati ay limang pirasong pilak.