1 Ang pinakamagandang awit ni Solomon.
2 Paliguan mo ako ng iyong mga halik. Pagkat mas matamis pa kaysa katas ng ubas ang iyong pag-ibig.
3 Kay sarap amuyin ng iyong pabango, at ang ganda ng pangalan mo, kaya hindi kataka-takang mga dalagaʼy napapaibig sa iyo.
4 Sige na, O aking hari, dalhin mo ako sa iyong silid.Sa piling mo, kami ay maligaya. Mas gusto pa namin ang pag-ibig mo kaysa anumang inumin.Tama lang na umibig sila sa iyo!
5 O mga babaeng taga-Jerusalem, maitim nga ako gaya ng mga tolda sa Kedar, pero maganda naman tulad ng kurtina sa palasyo ni Solomon.
6 Huwag ninyo akong hamakin dahil sa kulay ng aking balat. Maitim nga pagkat nabibilad sa init ng araw. Nagalit sa akin ang mga kapatid kong lalaki, at doon sa ubasan akoʼy pinagtrabaho nila. Dahil ditoʼy napabayaan ko ang sarili ko.
7 Mahal, sabihin mo sa akin kung saan ka nagpapastol ng iyong mga tupa. Saan mo sila pinagpapahinga tuwing tanghali? Sabihin mo sa akin para hindi na ako maghanap pa sa iyo doon sa iyong mga kaibigan na nagpapastol din ng tupa. Dahil baka akoʼy mapagkamalan na isang babaeng bayaran.
8 Kung hindi mo alam, O babaeng ubod ng ganda, sundan ang bakas ng aking mga tupa. Papunta ito sa tolda ng mga pastol, at mga kambing moʼy doon mo na rin ipastol.
9 O irog ko, tulad moʼy isang babaeng kabayo na nagustuhan ng lalaking kabayo na humihila ng karwahe ng hari ng Egipto.
10 Napakaganda ng iyong mga pisngi, na lalong pinaganda ng mga hiyas. O anong ganda rin ng leeg mong sinuotan ng kwintas.
11 Ikaʼy igagawa namin ng alahas na yari sa mga ginto at pilak.
12 Habang ang hariʼy nasa kanyang mesa, pabango koʼy humahalimuyak.
13 Parang samyo ng mira ang bango ng aking iniibig, habang sa aking dibdib siya ay nakahilig.
14 Ang mahal koʼy tulad ng kumpol ng mga bulaklak na henna, na namumulaklak doon sa ubasan ng En Gedi.
15 Napakaganda mo, aking giliw. Mga mata moʼy kasing pungay ng mga mata ng kalapati.
16 Kay kisig mo, mahal ko. Napakaganda mong pagmasdan habang tayo ay nakahiga sa mga damo,
17 sa lilim ng mga punong sipres at sedro.