1 Kung naging kapatid lamang sana kita, na pinasuso ng aking ina, hahalikan kita saanman tayo magkita, at hindi nila ako pag-iisipan ng masama.
2 Dadalhin kita sa bahay ng aking ina, at doon ay tuturuan mo ako ng tungkol sa pag-ibig. Paiinumin kita ng mabangong alak na mula sa katas ng aking mga pomegranata.
3 Ulo koʼy nakaunan sa kaliwa mong bisig at ang kanang kamay mo naman ay nakayakap sa akin.
4 Kayong mga babae ng Jerusalem, mangako kayo na hindi ninyo hahayaan na ang pag-ibig ay umusbong hanggaʼt hindi pa dumarating ang tamang panahon.
5 Sino kaya itong dumarating mula sa ilang na nakahilig sa kanyang minamahal?Ginising ko ang iyong damdamin, doon sa ilalim ng puno ng mansanas, kung saan ka isinilang.
6 Iukit mo ang pangalan ko sa puso mo para patunayan na ako lamang ang mahal mo. At ako lamang ang yayakapin ng mga bisig mo. Makapangyarihan ang pag-ibig gaya ng kamatayan; maging ang pagnanasa ay hindi mapipigilan. Ang pag-ibig ay parang lumiliyab at lumalagablab na apoy.
7 Kahit laksa-laksang tubig, hindi ito mapipigilan. Sinumang magtangkang bilhin ito kahit ng lahat niyang yaman ay baka malagay lamang sa kahihiyan.
8 May kapatid kaming dalagita, at ang kanyang dibdib ay hindi pa nababakas. Anong gagawin namin sa araw na may manligaw na sa kanya?
9 Birhen man siya o hindi, iingatan namin siya.
10 Akoʼy birhen nga, at ang dibdib koʼy parang mga tore. Kaya nga ang aking mahal ay lubos na nasisiyahan sa akin.
11 May ubasan si Solomon sa Baal Hamon na kanyang pinauupahan sa mga magsasaka roon. Bawat isa sa kanilaʼy nagbibigay sa kanya ng 1,000 piraso ng pilak bilang parte niya sa ubasan.
12 Ikaw ang bahala Solomon, kung ang parte mo ay 1,000 piraso ng pilak at ang parte ng mga magsasaka ay 200 piraso ng pilak. Pero ako na ang bahala sa sarili kong ubasan.
13 O irog kong namamasyal sa hardin, mabuti pa ang mga kaibigan mo, naririnig nila ang iyong tinig. Iparinig mo rin ito sa akin.
14 Halika, aking mahal. Tumakbo ka nang mabilis gaya ng usa sa kabundukan na punong-puno ng mga halamang ginagawang pabango.