1 O babaeng pinakamaganda, nasaan na ang iyong mahal? Saan siya nagpunta upang matulungan ka naming hanapin siya?
2 Ang aking mahal ay nagpunta sa hardin niyang puno ng halamang ginagawang pabango, upang magpastol doon at kumuha ng mga liryo.
3 Akoʼy sa aking mahal, at ang mahal ko naman ay sa akin lang. Nagpapastol siya sa gitna ng mga liryo.
4 O napakaganda mo, irog ko. Kasingganda ka ng lungsod ng Tirza at kabigha-bighani gaya ng Jerusalem. Kamangha-mangha ka gaya ng mga kawal na may dalang mga bandila.
5 Huwag mo akong titigan dahil hindi ko ito matagalan. Ang buhok moʼy parang kawan ng kambing na pababa sa Bundok ng Gilead.
6 Ang mga ngipin moʼy kasimputi ng tupang bagong paligo. Buong-buo at maganda ang pagkakahanay nito.
7 Mamula-mula ang noo mong natatakpan ng belo, tulad ng bunga ng pomegranata.
8 Kahit na akoʼy may 60 asawang reyna, 80 asawang alipin, at hindi mabilang na mga dalaga,
9 nag-iisa lang ang aking sinisinta. Tunay na maganda at walang kapintasan. Ang tanging anak na babae ng kanyang ina at pinakapaborito pa. Ang mga babaeng nakakakita sa kanya ay hindi mapigilang purihin siya. Kahit na ang mga asawang reyna at asawang alipin ay humahanga sa kanya.
10 Ang sabi nila, “Sino ba ito na kapag tiningnan ay parang bukang-liwayway ang kagandahan? Kasingganda siya ng buwan, nakakasilaw na parang araw at nakakamangha tulad ng mga bituin.”
11 Pumunta ako sa taniman ng almendro para tingnan ang mga bagong tanim na sumibol sa may lambak, at para tingnan na rin kung umuusbong na ang mga ubas at kung ang mga pomegranata ay namumulaklak na.
12 Hindi ko namalayan, ako palaʼy nandoon na sa maharlikang higaan kasama ang aking mahal.
13 Bumalik ka, dalagang taga-Shulam, bumalik ka para makita ka namin.Bakit gusto ninyong makita ang dalaga ng Shulam na sumasayaw sa gitna ng mga manonood?