1 Akoʼy isang bulaklak lamang ng Sharon, isang liryo sa lambak.
2 Kung ihahambing sa ibang kababaihan, ang irog koʼy tulad ng liryo sa gitna ng matinik na halamanan.
3 Kung ihahambing naman sa ibang kabinataan, ang mahal koʼy tulad ng puno ng mansanas sa gitna ng mga puno roon sa kagubatan. Ako ay nanabik na maupo sa lilim niya, at tikman ang matamis niyang bunga.
4 Dinala niya ako sa isang handaan para ipakita sa lahat na ako ay kanyang minamahal.
5 Pakainin ninyo ako ng pasas at mansanas para akoʼy muling lumakas, sapagkat nanghina ako dahil sa pag-ibig.
6 Ulo koʼy nakaunan sa kaliwa niyang bisig at ang kanang kamay naman niya ay nakayakap sa akin.
7 Kaya kayong mga dalaga ng Jerusalem, mangako kayo sa pamamagitan ng mga batang usa at gasela, na hindi ninyo hahayaang ang pag-ibig ay umusbong hanggaʼt hindi pa dumarating ang tamang panahon.
8 Ayan na! Naririnig ko nang paparating ang aking mahal. Dumarating siyang patalon-talon na parang usa sa mga bundok at burol.
9 Tingnan ninyo, nariyan na siya na nakatayo sa may pader, at sa bintana akoʼy sinisilip.
10 Sinabi niya sa akin, “Halika na irog kong maganda at sa akin ay sumama ka.
11 Tapos na ang panahon ng taglamig at tag-ulan.
12 Namumukadkad na ang mga bulaklak sa parang, panahon na ng pag-aawitan at maririnig na rin ang huni ng mga kalapati sa kabukiran.
13 Ang mga bunga ng igos ay hinog na at humahalimuyak ang bulaklak ng mga ubas. Halika na irog kong maganda, sa akin ay sumama ka na.”
14 Katulad moʼy kalapating nagtatago sa bitak ng malaking bato. Ipakita mo sa akin ang magandang mukha mo at iparinig din ang maamo mong tinig.
15 Bilis! Hulihin ang mga asong-gubat na sumisira ng aming mga ubasang namumulaklak.
16 Akin lang ang mahal ko, at ako naman ay kanya lang. Nagpapastol siya sa gitna ng mga liryo.
17 Bago magbukang-liwayway at magliwanag, magbalik ka, mahal ko. Tumakbo ka na kasimbilis ng batang usa o gasela sa kabundukan.