1 Sa gabi, habang akoʼy nakahiga, nananabik ako sa aking minamahal. Hinahanap-hanap ko siya, subalit hindi makita.
2 Kaya bumangon akoʼt nilibot ang lungsod, mga lansangan, at mga liwasan. Hinanap ko ang aking mahal, pero hindi ko siya makita.
3 Nakita ako ng mga guwardya na naglilibot sa lungsod. Tinanong ko sila, “Nakita ba ninyo ang mahal ko?”
4 Hindi pa man ako nakakalayo sa kanila, nakita ko ang mahal ko. Hinawakan ko siya ng buong higpit at hindi binitiwan hanggang nadala ko siya sa bahay ng aking ina, doon sa silid kung saan ako nabuo.
5 Kayong mga dalaga ng Jerusalem, mangako kayo sa pamamagitan ng mga batang usa at gasela, na hindi ninyo hahayaang ang pag-ibig ay umusbong hanggaʼt hindi pa dumarating ang tamang panahon.
6 Sino kaya itong dumarating mula sa ilang na tila makapal na usok na amoy mira at insensong itinitinda ng mangangalakal?
7 Tingnan ninyo! Iyan ang karwahe ni Solomon na napapalibutan ng 60 pinakamagagaling na kawal ng Israel.
8 Lahat silaʼy mayroong espada at bihasa sa pakikipaglaban. Laging handa kahit sa gabi man sumalakay.
9 Ang karwaheng iyon na ipinagawa ni Haring Solomon ay yari sa kahoy na galing sa Lebanon.
10 Nababalot sa pilak ang haligi nito at palamuting ginto ang tumatakip dito. Ang kutson ng upuan ay binalot sa telang kulay ube at mga babaeng taga-Jerusalem ang nagpaganda ng loob ng karwahe.
11 Lumabas kayo, kayong mga dalaga ng Jerusalem, at tingnan ninyo si Haring Solomon na may korona. Ipinutong ito sa kanya ng kanyang ina sa araw ng kanyang kasal – ang araw na buong puso niyang ikinagalak.