1 Ito ang ipinahayag ng Panginoon kay Hoseas na anak ni Beeri noong magkakasunod na naging hari sa Juda sina Uzia, Jotam, Ahaz at Hezekia, habang naghahari naman sa Israel si Jeroboam na anak ni Joash.
2 Ito ang unang sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Mag-asawa ka ng babaeng nangangalunya, at ang inyong mga anak ay ituturing na mga anak ng babaeng nangangalunya. Ito ang magiging larawan ng kataksilan ng aking mga mamamayan sa akin na kanilang Panginoon, dahil sa pagsamba nila sa mga dios-diosan.”
3 Kaya nagpakasal si Hoseas kay Gomer na anak ni Diblaim. Hindi nagtagal, nabuntis si Gomer at nanganak ng isang lalaki.
4 Sinabi ng Panginoon kay Hoseas, “Jezreel ang ipangalan mo sa bata, dahil hindi na magtatagal at parurusahan ko ang hari ng Israel dahil sa ginawang pagpatay ng ninuno niyang si Jehu sa lungsod ng Jezreel. Wawakasan ko na ang kaharian ng Israel.
5 Sa araw na iyon, ipapalupig ko ang mga sundalo ng Israel doon sa Lambak ng Jezreel.”