1 Sinabi pa ng Panginoon, “Makinig kayo, mga mamamayan ng Israel, pati na kayong mga pari at sambahayan ng hari, dahil ang hatol na ito ay laban sa inyo: Para kayong bitag, dahil ipinahamak ninyo ang mga mamamayan ng Mizpa at Tabor.
2 Nagrerebelde kayo sa akin at gusto ninyong pumatay, kaya didisiplinahin ko kayong lahat.
3 Alam ko ang lahat ng tungkol sa inyo na mga taga-Israel. Wala kayong maililihim sa akin. Sumasamba kayo sa mga dios-diosan kaya naging marumi kayo.
4 “Ang inyong masasamang gawain ang pumipigil sa inyo upang magbalik-loob sa akin na inyong Dios. Sapagkat nasa puso ninyo ang espiritung nag-uudyok sa inyo para sumamba sa mga dios-diosan, at hindi ninyo ako kinikilalang Panginoon.
5 Ang pagmamataas ninyo ay nagpapatunay na dapat kayong parusahan. At dahil sa mga kasalanan nʼyo, mapapahamak kayo, kayong mga taga-Israel kasama ang mga taga-Juda.
6 Maghahandog kayo ng mga tupa, kambing, at mga baka sa paglapit ninyo sa akin. Pero hindi ninyo mararanasan ang presensya ko dahil itinakwil ko na kayo.
7 Nagtaksil kayo sa akin, dahil nagkaanak kayo sa labas. Kaya lilipulin ko kayo at sisirain ko ang lupain ninyo sa loob lamang ng isang buwan.
8 “Hipan ninyo ang mga trumpeta para bigyang babala ang mga tao sa Gibea at Rama! Iparinig ang sigaw ng digmaan sa Bet Aven! Magbantay kayo, kayong mga mamamayan ng Benjamin.
9 Mawawasak ang Israel sa araw ng pagpaparusa. Tiyak na mangyayari ang sinasabi ko laban sa mga lahi ng Israel!
10 Ang mga pinuno ng Juda ay katulad ng taong naglilipat ng muhon dahil inagaw nila ang lupain ng Israel. Kaya ibubuhos ko sa kanila ang aking galit na parang baha.
11 Ginigipit at winawasak ang Israel dahil pinarurusahan ko siya. Sapagkat patuloy siyang sumusunod sa mga dios-diosan.
12 Ang katulad koʼy insektong ngumangatngat sa Israel at sa Juda.
13 “Nang makita ng mga taga-Israel at taga-Juda ang kanilang masamang kalagayan, humingi ng tulong ang Israel sa makapangyarihang hari ng Asiria. Pero hindi ito makakatulong sa kanila.
14 Sapagkat sasalakayin kong parang leon ang Israel at ang Juda. Ako mismo ang lilipol sa kanila. Dadalhin ko sila sa ibang bansa at walang makapagliligtas sa kanila.
15 Pagkatapos, babalik ako sa aking lugar hanggang sa aminin nila ang kanilang mga kasalanan. At sa kanilang paghihirap ay lalapit sila sa akin.”