1 Sinabi ni Hoseas, “Kayong mga taga-Israel, tigilan na ninyo ang inyong mga pagdiriwang katulad ng ginagawa ng mga taga-ibang bansa. Sapagkat sumasamba kayo sa mga dios-diosan at lumalayo sa inyong Dios. Kahit saang giikan ng trigo ay ipinagdiriwang ninyo ang mga ani na itinuturing ninyong bayad sa inyo ng mga dios-diosan dahil sa inyong pagsamba sa kanila.
2 Pero sa bandang huli, mauubusan kayo ng mga trigo at bagong katas ng ubas.
3 Lilisanin ninyo ang Israel, ang lupain ng Panginoon, at babalik kayo sa Egipto, at ang iba sa inyo ay pupunta sa Asiria, at doon ay kakain kayo ng mga pagkaing itinuturing ninyong marumi.
4 Hindi na kayo papayagang maghandog ng inumin sa Panginoon. Maghandog man kayo ng mga handog ay hindi rin siya malulugod. At ang sinumang kumain ng mga handog na iyan ay ituturing na marumi dahil katulad ito ng pagkain sa bahay ng namatayan. Ang inyong mga pagkain ay para lamang sa inyong sarili at hindi maaaring ihandog sa templo ng Panginoon.
5 Kung ganoon, ano ngayon ang inyong gagawin kapag dumating ang mga espesyal na araw ng pagsamba o mga pista upang parangalan ang Panginoon?
6 Kahit na makatakas kayo sa kapahamakan, titipunin pa rin kayo sa Egipto at ililibing sa Memfis. Matatakpan ng mga damo at matitinik na halaman ang inyong mga mamahaling kagamitang pilak at ang inyong mga tolda.
7 “Mga taga-Israel, dumating na ang araw ng inyong kaparusahan, ang araw na gagantihan kayo sa inyong mga ginawa. At tiyak na malalaman ninyo na dumating na nga ito. Sinasabi ninyo, ‘Ang propetang iyan ay hangal, isang lingklod ng Dios na nasisiraan ng ulo.’ Sinasabi ninyo iyon dahil marami na kayong mga kasalanan at galit kayo sa akin.
8 Bilang propeta, kasama ko ang Dios sa pagbabantay sa inyo na mga taga-Israel. Pero kahit saan ako pumunta ay nais ninyo akong ipahamak; para akong ibon na gusto ninyong mahuli sa bitag. Galit sa akin ang mga tao sa Israel, na itinuturing ng Dios na kanyang tahanan.
9 Napakasama na ninyo tulad ng mga lalaki noon sa Gibea. Aalalahanin ng Dios ang inyong mga kasamaan, at parurusahan niya kayo sa inyong mga kasalanan.”
10 Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Israel, noong piliin ko ang mga ninuno ninyo na maging aking mga mamamayan, tuwang-tuwa ako. Gaya ng taong tuwang-tuwa nang makakita ng ubas na tumubo sa disyerto o nang makakita ng unang bunga ng puno ng igos. Pero nang pumunta sila sa Baal Peor, itinalaga nila ang kanilang sarili sa mga nakakasuklam na dios-diosan, at naging gaya sila ng mga kasuklam-suklam na dios-diosang iyon na kanilang iniibig.
11 Mga taga-Israel, mawawala ang inyong kadakilaan na parang ibong lumipad. Wala nang mabubuntis at wala ring manganganak sa inyong mga kababaihan.
12 At kung may manganganak man, kukunin ko ang mga anak nila at magluluksa kayo. Nakakaawa naman kayo kapag iniwan ko na kayo.
13 “Ang tingin ko sa inyo noon ay parang palmang tumutubo sa matabang lupa. Pero ngayon, kailangang dalhin ninyo ang inyong mga anak sa digmaan para mamatay.”
14 Sinabi ni Hoseas: Panginoon, ganoon nga po ang gawin nʼyo sa inyong mga mamamayan. Loobin nʼyo pong hindi magkaanak at makapagpasuso ang mga kababaihan nila.
15 Sinabi ng Panginoon, “Ang lahat ng kasamaan ng aking mga mamamayan ay nagsimula sa Gilgal. Doon pa lang ay kinapootan ko na sila. At dahil sa kanilang kasamaan, palalayasin ko sila sa lupain ng Israel na aking tahanan. Hindi ko na sila mamahalin. Naghimagsik sa akin ang lahat ng kanilang mga pinuno.
16 Para silang tanim na natuyo ang ugat kaya hindi namumunga. At kahit mabuntis man sila, papatayin ko ang mga minamahal nilang anak.”
17 Sinabi ni Hoseas, “Itatakwil ng aking Dios ang mga taga-Israel dahil hindi sila sumunod sa kanya. Kaya mangangalat sila sa ibaʼt ibang bansa.