1 Sinabi ng Panginoon, “Minahal ko ang Israel noong kabataan niya. Itinuring ko siyang anak at tinawag ko siya mula sa Egipto.
2 Pero ngayon, kahit na patuloy kong tinatawag ang mga mamamayan ng Israel, lalo pa silang lumayo sa akin. Naghahandog sila at nagsusunog ng mga insenso sa dios-diosang si Baal.
3 Ako ang nag-alaga sa kanila. Inakay ko sila at tinuruang lumakad, pero hindi nila kinilala na ako ang kumalinga sa kanila.
4 Pinatnubayan ko sila nang buong pagmamahal, tulad ng isang taong nag-aangat ng pamatok sa baka upang mapakain ito.
5 Pero dahil ayaw nilang bumalik sa akin, babalik sila sa Egipto, at paghaharian sila ng Asiria.
6 Lulusubin ng mga kalaban ang kanilang mga lungsod at sisirain ang mga tarangkahan ng pintuan nito. Wawakasan ng mga kaaway ang lahat nilang balak.
7 Nagpasyang lumayo sa akin ang aking mga mamamayan. Kaya kahit na sama-sama pa silang dumulog sa akin, hindi ko sila tutulungan.
8 “Mga taga-Israel, hindi ko kayo magagawang itakwil o pabayaan na lang. Hindi ko kayo magagawang lipulin nang lubusan gaya ng ginawa ko sa mga lungsod ng Adma at Zeboyim. Hindi matatanggap ng aking kalooban na gawin ko ito sa inyo. Awang-awa ako sa inyo.
9 Hindi ko na ipadarama ang matindi kong galit; hindi ko na gigibain ang Israel, dahil akoʼy Dios at hindi tao. Ako ang Banal na Dios na kasama ninyo. Hindi ako paparito sa inyo nang may galit.
10 “Susunod kayo sa akin kapag umatungal ako na parang leon. At kapag umatungal na ako, dali-dali kayong uuwi mula sa kanluran.
11 Mabilis kayong darating na parang mga ibon mula sa Egipto o parang mga kalapating mula sa Asiria. Pauuwiin ko kayong muli sa inyong mga tahanan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
12 Sinabi pa ng Panginoon, “Palagi akong pinagsisinungalingan at niloloko ng mga taga-Israel. Ang mga taga-Juda ay patuloy na lumalayo sa akin, ang Dios na banal at tapat.”