1 Nag-usap-usap ang mga taga-Israel. Sabi nila, “Halikayo! Magbalik-loob tayo sa Panginoon. Sinaktan niya tayo, kaya siya rin ang magpapagaling sa atin.
2 Para tayong mga patay na agad niyang bubuhayin. Hindi magtatagal, at ibabangon niya tayo para mamuhay sa kanyang presensya.
3 Pagsikapan nating makilala ang Panginoon. Siyaʼy tiyak na darating, kasintiyak ng pagsikat ng araw. Darating siya na parang ulan na didilig sa mga lupain.”
4 Pero sinabi ng Panginoon, “O Israel at Juda, ano ang gagawin ko sa inyo? Ang pag-ibig ninyo sa akin ay parang ambon o hamog sa umaga na madaling mawala.
5 Kaya nga binalaan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta na kayoʼy mapapahamak at mamamatay. Hahatulan ko kayo na kasimbilis ng kidlat.
6 Sapagkat hindi ang inyong mga handog ang nais ko, kundi ang inyong pagmamahal. Mas nanaisin ko pang kilalanin ninyo ako kaysa sa mag-alay kayo ng mga handog na sinusunog.
7 Pero tulad ni Adan, sinira ninyo ang kasunduan natin. Nagtaksil kayo sa akin diyan sa inyong lugar.
8 Ang bayan ng Gilead ay tirahan ng masasamang tao at mga mamamatay-tao.
9 Ang inyong mga pari ay parang mga tulisan na nag-aabang ng kanilang mabibiktima. Pumapatay sila sa daang patungo sa Shekem, at gumagawa ng marami pang nakakahiyang gawain.
10 Mga taga-Israel, kakila-kilabot ang nakita ko sa inyo. Sumasamba kayo sa mga dios-diosan, kaya naging marumi kayo.
11 Kayo ring mga taga-Juda ay nakatakda nang parusahan.“Gusto ko sanang ibalik ang mabuting kalagayan ng aking mga mamamayan.”