1 “Gusto ko sanang pagalingin ang mga taga-Israel. Pero ang nakikita ko sa kanila ay ang kanilang mga kasamaan. Nandaraya sila, pinapasok ang mga bahay para nakawan, at nanghoholdap sa mga daan.
2 Hindi nila naiisip na hindi ko nakakalimutan ang kanilang mga kasamaan. Hanggang ngayon ay nakatali pa sila sa kanilang mga kasalanan at nakikita kong lahat ito.
3 Napapasaya nila ang kanilang hari at mga pinuno sa kanilang kasamaan at kasinungalingan.
4 Lahat silaʼy mga taksil. Para silang mainit na pugon na ang apoy ay hindi na kailangang paningasin ng panadero mula sa oras ng pagmamasa ng harina hanggang sa itoʼy umalsa.
5 Nang dumating ang kaarawan ng kanilang hari, nilasing nila ang mga opisyal nito. At pati ang hari ay nakipag-inuman na rin sa kanyang mga mapanghusga na mga opisyal.
6 At habang papalapit sila sa hari at sa kanyang mga opisyal para patayin, nagniningas ang kanilang galit na parang mainit na pugon. Bago pa sila sumalakay, magdamag ang kanilang pagtitimpi ng kanilang galit, kaya kinaumagahan para na itong nagniningas na apoy.
7 Galit na galit silang lahat na para ngang nagniningas na pugon. Kaya pinatay nila ang kanilang mga pinuno. Bumagsak lahat ang kanilang mga hari, pero wala ni isa man sa kanila ang humingi ng tulong sa akin.
8 “Nakikisalamuha ang Israel sa ibang bansa. Silaʼy walang pakinabang tulad ng nilutong manipis na tinapay na nakalimutang baligtarin.
9 Inuubos ng mga taga-ibang bansa ang kanilang kakayahan, pero hindi nila ito namamalayan; katulad sila ng isang tao na pumuputi na ang buhok pero hindi niya ito napapansin.
10 Ang kanilang pagmamataas ay nagpapatunay na dapat silang parusahan. Pero kahit nangyayari ang lahat ng ito sa kanila, hindi pa rin sila nagbalik-loob at lumapit sa akin na kanilang Dios.
11 Para silang kalapati na kaydaling lokohin at walang pang-unawa. Humingi sila ng tulong sa Egipto at Asiria.
12 Pero habang pumaparoon sila, pipigilan ko sila na parang ibon na nahuli sa lambat at hinila pababa. Parurusahan ko sila ayon sa aking sinabi sa kanilang pagtitipon.
13 Nakakaawa sila dahil lumayo sila sa akin. Lilipulin ko sila dahil naghimagsik sila sa akin. Gusto ko sana silang iligtas, pero nagsalita sila ng kasinungalingan tungkol sa akin.
14 Hindi tapat ang kanilang pagtawag sa akin. Umiiyak sila sa kanilang mga higaan at sinasaktan ang sarili habang humihingi ng pagkain at inumin sa mga dios-diosan.
15 Dinisiplina ko sila upang maging matatag, pero nagbalak pa rin sila ng masama laban sa akin.
16 Lumapit sila sa mga bagay na walang kabuluhan. Para silang panang baluktot na walang silbi. Mamamatay sa digmaan ang kanilang mga pinuno dahil wala silang galang kapag nagsasalita. At dahil dito, kukutyain sila ng mga taga-Egipto.