5 “Matatakot ang mga mamamayan ng Samaria dahil mawawala ang mga dios-diosang guya sa Bet Aven. Sila at ang kanilang mga pari na nagagalak sa kagandahan ng mga dios-diosan nila ay iiyak dahil kukunin iyon sa kanila
6 at dadalhin sa Asiria at ireregalo sa dakilang hari roon. Mapapahiya ang Israel sa kanyang pagtitiwala sa mga dios-diosan.
7 Mawawala ang kanyang hari na parang kahoy na tinangay ng agos.
8 Gigibain ang mga sambahan sa mga matataas na lugar ng Aven, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Matatakpan ang kanilang mga altar ng matataas na damo at mga halamang may tinik. Sasabihin nila sa mga bundok at mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ ”
9 Sinabi ng Panginoon, “Kayong mga mamamayan ng Israel ay patuloy sa pagkakasala mula pa noong magkasala ang inyong mga ninuno roon sa Gibea. Hindi kayo nagbago. Kaya kayong mga lahi ng masasama ay lulusubin sa Gibea.
10 Gusto ko na kayong parusahan. Kaya magsasanib ang mga bansa upang lusubin kayo dahil sa patuloy ninyong pagkakasala.
11 Noon, para kayong dumalagang baka na sinanay na gumiik at gustong-gusto ang gawaing ito. Pero ngayon, pahihirapan ko kayong mga taga-Israel at pati ang mga taga-Juda. Magiging tulad kayo ng dumalagang baka na sisingkawan ang makinis niyang leeg at pahihirapan sa paghila ng pang-araro.