2 Pero ngayon, kahit na patuloy kong tinatawag ang mga mamamayan ng Israel, lalo pa silang lumayo sa akin. Naghahandog sila at nagsusunog ng mga insenso sa dios-diosang si Baal.
3 Ako ang nag-alaga sa kanila. Inakay ko sila at tinuruang lumakad, pero hindi nila kinilala na ako ang kumalinga sa kanila.
4 Pinatnubayan ko sila nang buong pagmamahal, tulad ng isang taong nag-aangat ng pamatok sa baka upang mapakain ito.
5 Pero dahil ayaw nilang bumalik sa akin, babalik sila sa Egipto, at paghaharian sila ng Asiria.
6 Lulusubin ng mga kalaban ang kanilang mga lungsod at sisirain ang mga tarangkahan ng pintuan nito. Wawakasan ng mga kaaway ang lahat nilang balak.
7 Nagpasyang lumayo sa akin ang aking mga mamamayan. Kaya kahit na sama-sama pa silang dumulog sa akin, hindi ko sila tutulungan.
8 “Mga taga-Israel, hindi ko kayo magagawang itakwil o pabayaan na lang. Hindi ko kayo magagawang lipulin nang lubusan gaya ng ginawa ko sa mga lungsod ng Adma at Zeboyim. Hindi matatanggap ng aking kalooban na gawin ko ito sa inyo. Awang-awa ako sa inyo.