3 Noong si Jacob na kanilang ninuno ay nasa tiyan pa lamang ng kanyang ina, nais na niyang lampasan ang kanyang kakambal. At noong lumaki na siya, nakipagbuno siya sa Dios
4 sa pamamagitan ng anghel, at nagtagumpay siya. Umiiyak siya habang nagmamakaawang pagpalain siya ng anghel. Nakita niya ang Dios sa Betel, at doon nakipag-usap ang Dios sa kanya.
5 Siya ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa lahat. Panginoon ang kanyang pangalan.
6 Kaya kayong mga lahi ni Jacob, magbalik-loob na kayo sa Dios at ipakita ninyo ang pag-ibig at katarungan. At patuloy kayong magtiwala sa kanya.
7 Sinabi ng Panginoon, “Mahilig mandaya ang mga negosyante ninyo. Gumagamit sila ng mga timbangang may daya.
8 Nagyayabang pa kayong mga taga-Israel at sinasabing, ‘Nakapag-ipon kami ng kayamanan at napakayaman na namin ngayon. Walang makapagsasabing yumaman kami sa masamang paraan, dahil kasalanan ang gawin iyon.’
9 Kaya ako, ang Panginoon ninyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto, ay nagsasabi: Patitirahin ko kayong muli sa mga kubol gaya ng ginagawa ninyo noon sa panahon ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol.