3 Hindi na kami hihingi ng tulong sa Asiria at hindi na rin kami aasa sa mga kabayong pandigma. Hindi na rin namin tatawagin na aming Dios ang mga dios-diosang ginawa namin. Sapagkat kinaawaan nʼyo po kami na parang mga ulila.”
4 Sinabi ng Panginoon, “Pagagalingin ko ang aking mga mamamayan sa kanilang pagkamasuwayin at taos-puso ko silang mamahalin. Sapagkat nawala na ang galit ko sa kanila.
5 Pagpapalain ko ang mga taga-Israel; akoʼy magiging parang hamog sa kanila na nagbibigay ng tubig sa mga halaman. Sila ay uunlad gaya ng halamang liryong namumulaklak. Sila ay magiging matatag tulad ng puno ng sedro sa Lebanon na malalim ang ugat.
6 Sila ay dadami na parang mga sangang nagkakadahon nang marami. Sila ay magiging tanyag na parang puno ng olibo na maganda at ng puno ng sedro ng Lebanon na mabango.
7 Muli silang maninirahan na kinakalinga ko. Sila ay uunlad na parang trigong yumayabong o ubas na namumulaklak. At magiging tanyag sila na gaya ng alak ng Lebanon.
8 “Mga taga-Israel, lumayo na kayo sa mga dios-diosan. Ako ang tutugon ng inyong mga dalangin at ako ang kakalinga sa inyo. Poprotektahan ko kayo; akoʼy magiging parang puno ng sipres na mayabong na magbibigay ng lilim. Ako ang nagpapaunlad sa inyo.”
9 Nawaʼy malaman at maintindihan ng may pang-unawa ang mga nakasulat dito. Tama ang mga pamamaraan ng Panginoon at sinusunod ito ng mga matuwid, pero nagiging katitisuran ito sa mga suwail.