1 “Kaya tawagin ninyo ang inyong kapwa Israelita na ‘Aking mga mamamayan’ at ‘Kinaawaan.’ ”
2 “Mga anak, sawayin ninyo ang inyong ina dahil iniwan na niya ako na kanyang asawa. Sabihin ninyo na dapat tigilan na niya ang pangangalunya.
3 Kung hindi siya titigil ay huhubaran ko siya, at ang kahubaran niya ay gaya noong siya ay isinilang. Gagawin ko siyang parang disyerto o ilang, at pababayaang mamatay sa uhaw.
4-5 At kayong mga anak niya ay hindi ko kaaawaan, dahil mga anak kayo ng babaeng nangangalunya. Nakakahiya ang ginagawa ng inyong inang nagsilang sa inyo. Sinabi pa niya, ‘Hahabulin ko ang aking mga lalaki na nagbibigay sa akin ng pagkain, tubig, telang lana at linen, langis, at inumin.’
6 “Kaya babakuran ko siya ng matitinik na mga halaman para hindi siya makalabas.
7 Habulin man niya ang kanyang mga lalaki, hindi niya maaabutan. Hahanapin niya sila pero hindi rin niya makikita. Pagkatapos, sasabihin niya, ‘Babalik na lang ako sa asawa ko dahil higit na mabuti ang kalagayan ko noon sa piling niya kaysa sa ngayon.’