6 “Kaya babakuran ko siya ng matitinik na mga halaman para hindi siya makalabas.
7 Habulin man niya ang kanyang mga lalaki, hindi niya maaabutan. Hahanapin niya sila pero hindi rin niya makikita. Pagkatapos, sasabihin niya, ‘Babalik na lang ako sa asawa ko dahil higit na mabuti ang kalagayan ko noon sa piling niya kaysa sa ngayon.’
8 “Hindi niya naisip na ako ang nagbigay sa kanya ng mga butil, ng bagong katas ng ubas, langis, at maraming pilak at ginto na ginawang rebulto ni Baal na kanilang dios-diosan.
9 Kaya pagdating ng tag-ani ay babawiin ko ang mga butil at ang bagong katas ng ubas na aking ibinigay. Babawiin ko rin ang mga telang lana at linen na ibinigay ko na sanaʼy pantakip sa kanyang kahubaran.
10 At ngayon, ilalantad ko ang kanyang kahalayan sa harap ng kanyang mga lalaki, at walang makapagliligtas sa kanya mula sa aking mga kamay.
11 Wawakasan ko na ang lahat ng espesyal na araw ng pagsamba na ginagawa niya taun-taon, buwan-buwan, at linggu-linggo.
12 Sisirain ko ang mga ubasan niya at mga puno ng igos na ibinayad daw sa kanya ng kanyang mga lalaki. Gagawin ko itong parang gubat at kakainin ng mga mababangis na hayop sa gubat ang mga bunga nito.